|
||||||||
|
||
Department of Foreign Affairs, tahimik sa paliwanag ng kinatawan ng bansa sa European Union
NANATILING tahimik ang Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ni Asst. Secretary Charles Jose sa naging paliwanag ni Philippine Embassy Charge Alan Daniega na ipinatawag ni European External Action Service Deputy Secretary General Jean-Christophe Belliard sa Belgium.
Ipinatawag ang opisyal ng embahada matapos ang mga maaanghang na salita at murang nagmula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Hiniling ng EU na magtungo si G. Daniega sa kanilang tanggapan upang ipaliwanag ang mga 'di katanggap-tanggap na pahayag ng pangulo ng bansa na kinapalooban ng pagbabantang bibitayin ang mga opisyal ng European Union sa pagkontra nito sa balak ng pamahalaang ibalik ang parusang kamatayan.
Sinabi ni G. Jose na pinakinggan ni G. Daniega ang mga pahayag ng European Union at nagpaliwanag kung paano nila mauunawaan ang mga sinabi ni Pangulong Duterte.
Idinagdag pa ni G. Jose na nag-ulat na si G. Daniega sa Department of Foreign Affairs hinggil sa pangyayari.
Kumilos ang EU sa nagkakaisang reaksyon ng karamihan sa 28 kasaping bansa sa mga pahayag ni Pangulong Duterte kamakailan. Binanggit ni G. Duterte sa kanyang pahayag pagbalik sa opisyal na pagdalaw sa Myanmar at Thailand na matutuwa siyang bitayin ang mga kokontra sa kanyang pamamalakad.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |