|
||||||||
|
||
20170712Meloreport.mp3
|
SINABI ni Brig. General Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, na nagsisimula nang madama ang pagtutulungan ng mga bansang Indonesia, Malaysia at Pilipinas sa pagpapatrolya sa karagatan.
Sa isang panayam, sinabi ni General Padilla na layunin nitong mapigil ang mga pagdukot ng mga Abu Sayyaf sa mga banyaga at mga Pilipinong magdaragat sa may Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at maging sa may hangganan ng Malaysia at Indonesia.
Makikita ang epekto nito sapagkat mula noong nakalipas na Enero hanggang ngayon ay walang nababalitang mga dinukot ang grupo samantalang tuloy naman ang operasyon ng mga kawal sa pinagkukutaan ng mga Abu Sayyaf.
Ipinaliwanag din ni General Padilla na sa likod ng pagtutulungan ng tatlong bansa, malamang naginagamitan ng teknolohiya ng mga terorista ang kanilang pangangalap ng mga batang kasapi. Hindi nga lamang kakayahin ng Pilipinas na magkaroon ng matatag na firewall upang mapigilan ang mga terorista sa kanilang paggamit ng social media subalit pagtatangkaan nilang mabawasan ang pagpasok ng mga propaganda materials ng mga terorista.
Tiniyak din ni General Padilla na ang kanilang gagawing pagkilos ay ayon sa batas sapagkat mayroong demokratikong sistema sa Pilipinas.
Samantala, higit na sa 500 mga sandata ang nasamsam ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines sa Marawi City. Karamihan sa mga ito ay mga paltik at kung original man ay napinsala na ang serial number. Bagaman, isasailalim pa rin sa pagsusuri ang mga sandatang ito.
Tatlong dahilan ang nagpapabagal sa kanilang operasyon laban sa mga Maute at Abu Sayyaf sa Marawi City. Ani General Padilla, hindi biro ang urban guerilla operations sapagkat malayo ito sa kanilang kinasanayang operasyon sa mga barangay at kabundukan.
Isang dahilan pa rin ang pagkakaroon ng mga sibilyan sa loob ng Marawi City, ang mga taong 'di nakalabas sa lungsod bago sumiklab ang kaguluhan. Hindi rin madaling pasukin ang mga gusali sapagkat mayroong mga bombang iniwan ang mga terorista na maaaring maglagay sa panganib sa mga kawal.
Isang mahalagang dahilan pa rin ang pagkakaroon ng hostages o bihag ng mga Maute sa Marawi City. Wala silang intensyong ilagay sa panganib ang buhay ng hostages, dagdag pa ni General Padilla.
Nagpasalamat din si General Padilla sa Tsina sa kanilang tulong na dumating kamakailan. Hindi pa naipadadala at naipamamahagi sa mga kawal ang mga sandata at bala sapagkat ginagawa pa ang imbentaryo ng pamahalaan. Kinukuha pa ng Armed Forces of the Philippines ang mga serial number ng mga sandata sa mga oras na ito.
Samantala, ipinaliwanag din ni General Padilla na inaayos pa ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang magiging rekomendasyon kay Pangulong Duterte kung kailangang magkaroon ng extension ang Martial Law sa Mindanao.
Sa oras na matapos nila ang pagsusuri ay ipadadala sa tanggapan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na siyang mag-uulat kay Pangulong Duterte sa pinakamadalang panahon.
Magugunitang magtatapos sa ika-22 ng Hulyo ang Proclamation 261 ni Pangulong Duterte na nagsasailalim sa buong Mindanao sa Martial Law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |