|
||||||||
|
||
Mga lindol sa Leyte maaaring magpatuloy pa
MAY posibilidad na magpatuloy pa ang mga pagyanig sa Leyte matapos tumama ang malakas na lindol noong nakalipas na Huwebes. Umabot na sa 888 aftershocks ang naitala hanggang kaninang ikatatlo ng hapon.
Ito ang sinabi ni Bb. Myleen Enriquez, isang senior research specialist ng tanggapan sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina. Idinagdag pa ni Engr. Erlinton Olavere ng Phivolcs na may mga pagkakataong matapos ang malakas na lindol ay unti-unti nang humihina ang mga pagyanig sa paglipas ng mga araw.
Bagaman, kasabay din ng malakas na lindol ang posibilidad na magkaroon ng mas malakas na pagyanig ng lupa tulad ng naganap sa Batangas kamakailan.
Kung noong mga nakalipas na taon ay mayroon lamang 15 mga pook sa bansa ang mayroong seismographs, umabot na ito sa 93 ngayong 2017.
Sa panig naman ni Director Romulo Cabantac, Jr. ng Office of Civil Defense sa National Capital Region, kailangang magpatuloy ang pagsasanay ng mga mamamayan sa angkop na reaksyon ng mga mamamayan sa oras na magkaroon ng lindol.
Ipinaliwanag niyang sa gabi ay mga barangay ang nararapat unang tumugon sa emergency samantalang sa araw ay ang business establishments upang makaligtas ang kanilang mga kliyente at mga tauhan.
Ayon kay G. Ramon Santiago ng Metro Manila Development Authority, kailangang masuri ang mga gusali at mga pagawaing bayan kung tibay ang pag-uusapan.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na kung ang West Philippine Fault ang gagalaw, mas ligtas ang matataas na gusali sa Metro Manila at tanging ang mga gusaling nadagdagan ang mga palapag ang posibleng magiba at 'di na mapakinabangan pa.
Kung sa malayo magmumula ang pagyanig ng lupa, mas apektado ang matataaas na gusali sa Metro Manila. Binanggit ni Bb. Enriquez na malakas ang lindol noong 1968 na nasa Aurora Province ang sentro na ikinagiba ang Ruby Tower dito sa Metro Manila.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |