|
||||||||
|
||
Mahihirap, nangangailangan ng pagawaing-bayan, trabaho at paglilingkod
NANINIWALA ang mga dalubhasa sa World Bank na karamihan ng mga lungsod sa Silangang Asia at Pacific ang hindi nakakatugon sa mga pagawaing-bayan, makapagbigay ng trabaho at magparating ng programang pakikinabangan ng mga taong patuloy na dumadagsa sa mga lungsod.
Ito ang buod ng ulat na pinamagatang Expanding Opportunities for the Urban Poor na pinag-usapan sa isang teleconference na kinatampukan ng mga mamamahayag mula sa Maynila, Hanoi, Jakarta, Bangkok, Ulaan Baatar at Singapore, sinabi ni Bb. Victoria Kwakwa, vice president for East Asia and the Pacific na lumalaki ang bilang ng mga naninirahan sa mga lungsod ng 3% sa bawat taon.
Sa pagdagsa ng mga mamamayan mula sa kanayunan, nagkukulang ang mga pagawaing-bayan, trabaho at paglilingkod.
Sa panig naman ni G. Abhas Jha, sector manager para sa Transport, Urban and Disaster Risk Management ng World Bank, mangangailangan ang mahihirap ng trabaho, masasakyan at kakayahang tumugon sa mga panganib ng pagbabago ng panahon tulad ng mga malalakas na bagyo at pagbaha.
Pagsapit umano ng susunod na taon, kalahati ng mga mamamayan sa rehiyon ang maninirahan sa urban centers. Sa kunlaran ng mga lungsod, nai-angat ang 655 milyong katao mula sa kahirapan sa nakalipas na dalawampung taon.
Sa paglago ng ekonomiya ng Singapore ng may 8% mula noong dekada 70 hanggang 80, nagkaroon ng mga pagawaing-bayan, maayos na tahanan at social services.
Sinabi naman ni Bb. Judy Baker, World Bank Lead Urban Specialist at may-akda ng ulat, isang malaking hamon at pagkakataon ang mabilis na pagdagsa ng mga mamamayan sa mga lungsod.
Kung mabibigyan ng mga pamahalaan ang mahihirap ng murang masasakyan o tahanan, makakatipid sila at magagamit ang salapi sa pagpapa-aral ng kanilang mga anak.
Pinuri ng World Bank ang matatagumpay na programa tulad ng Urban Di Bao sa Tsina, Pantawid Pamilya program sa Pilipinas at ang programa sa Indonesia na nagparating ng water supply, drainage, pag-aayos ng lansangan at pangungolekta ng basura. Tagumpay din ang micro-finance ng Vietnam upang magastos ng mga mamamayan ang salapi sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanan.
Mayroon ding programa sa hilagang silangang bahagi ng Tsina na tumugon sa mga pangangailangan ng mahihirap, may kapansanan at iba pang nalilimutang sektor ng lipunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |