|
||||||||
|
||
20171023 Melo Acuna
|
PORMAL na nagreklamo ang Department of Transportation laban kay dating Transport and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya at iba pang mga opisyal dahil sa mga kapalpakang nagaganap sa Metro Rail Transit System.
Inakusahan si dating Secretary Abaya ng katiwalian. Kasama rin sa pormal na reklamo sina dating Undersecretary Edwin Lopez para sa Operations, Rene Limcaoco sa Planning at pinuno ng negotiating panel, Catherine Jennifer Gonzales sa Procurement and Administration at pangalawang pinuno ng negotiating team at dating MRT General Manager Roman R. Buenafe.
Ipinagsumbong din ang anim na kasapi ng Bids and Awards Committee at mga opisyal ng Busan Universal Rail Inc. na kinabibilangan ng sampu katao. Kasama sa inireklamo ang pinaniniwalang dalawang Korean national.
Ang kasalukuyang Undersecretary for Legal Affairs and Procurement ang nagpaabot ng reklamo. Nagsabwatan umano ang mga akusado sa pagpasok sa kontratang nakasasama sa pamahalaan. Wala umanong kwalipikasyon ang BURI na maging service provider sapagkat kabubuo lamang ng kumpanya nang magsimula ng kanilang maintenance contract.
Ibinigay ang maintenance services ng MRT sa Busan Transportation Corporation, Edison Development and Construction, Tramat Mercantile, Inc., TMICorp. Inc., Casan, Inc., Joint Venture Busan JV at hindi Buri. May limang kumpanyang bumuo sa Busan JV na siya ring incorporators ng BURI. Nabuo lamang ang kumpanya noong ika-apat ng Enero 2016, tatlong araw bago lumagda sa kontrata ang DOTC-MRT3 sa Busan JV noong ikapito ng Enero 2016.
Lumiham umano ang isang dating Assistant Secretary at Chairperson ng Bids and Awards Committee na si Camille R. Alcaraz sa Securities and Exchange Commission noong ika-23 ng Disyembre 2015 na madaliin ang pagbuo sa BURI.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |