|
||||||||
|
||
Jack Ma, nagsabing walang kwenta ang internet sa Pilipinas
SINUBUKAN ng bilyonaryong Tsino na si Jack Ma ang internet service sa Pilipinas at nagsabing "It's no good." Pinalakpakan at tinawanan ng mga dumalo sa kanyang lecture sa De La Salle University kaninang umaga.
Niliwanag ni G. Ma na isang oportunidad ito upang kumilos ang pamahalaan at mga mangangalakal upang magsama-sama at magtulungan upang mapabilis at mapalawak ang internet sa bansa.
Sinabi ni G. Ma na kung walang internet, maihahambing ito sa mga lungsod at bayan noong nakalipas na siglo na walang kuryente at mas malala ang katayuan. Sa pagkakaroon ng mobile connection higit na magiging madali ang komunikasyon.
Si G. Ma ang nagtatag ng Alibaba Group, ang pinakamalaking e-commerce company ng Tsina. Tinatayang nagkakahalaga siya ng US$ 38.3 bilyon. Nakikinig sa kanyang talumpati sina Globe President at Chief Executive Officer Ernest Cu at PLDT chief revenue officer Eric Alberto.
Pabirong sinabi ni Joey Concepcion na sisihin ang Smart at Globe.
Sumagot si G. Ma at nagsabing hindi makatarungang sisihin ang sinuman. Noon umanong magsimula ang Alibaba sa Tsina, napakabagal ng internet sa Tsina at mas malala sa nagaganap sa Pilipinas ngayon.
Subalit niliwanag ni G. Ma na hindi ito sapat na dahilan para hindi kumilos ang mga telecom companies.
Ayon sa mga pagsusuri ang broadband internet ng Pilipinas ay ika-94 samantalang ang mobile internet ay ika-100.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |