|
||||||||
|
||
20171113 Melo Acuna
|
NAG-USAP sina American President Donald Trump at Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine International Convention Center sa kanilang kauna-unahanang bilateral meeting.
Sa kanilang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi ni Pangulong Trump na maganda ang relasyong namamagitan sa kanyang bansa at Pilipinas. Maganda rin ang pagdaraos ng 31st ASEAN Summit and Related Meetings sa Maynila. Ikinalugod rin niya ang pagtatanghal sa hapunang idinaos kagabi sa karangalan ng mga panauhin mula sa iba't ibang bansa.
Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na pag-uusapan nila ang mga isyung may kahalagahan sa dalawang bansa.
PANGULONG TRUMP AT DUTERTE, NAG-USAP NA. Malapit umanong magkakaibgan ang Estados Unidos at Pilipinas. Ito ang sinabi ni Pangulong Donald Trump (kaliwa) sa kanilang pagharap sa mga mamamahayag bago nagsimula ang kanilang bilateral meeting na tumagal ng 40 minuto. Pinag-usapan din ang isyu ng kakalal. (FOCAP Pool Photo)
Matapos ang 40-minutong pagpupulong, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naging bukas ang pag-uusap ng dalawang pinuno ng bansa.
Binigyang halaga ang mainit na relasyong namamagitan sa America at Pilipinas. Sinabi umano ni Pangulong Trump na makaa-asa si Pangulong Duterte na makakaasa ang Pilipinas sa America, tulad ng mga nakalipas na pamahalaan sa Washington.
Hindi pinag-usapan ang isyu ng human rights, dagdag pa ni Secretary Roque bagama't binanggit ni Pangulong Duterte ang salot na dulot ng droga sa mga mamamayan. Wala umanong pahayag si Pangulong Trump at tumango na lamang na tila nauunawaan ang sidhi ng problema sa Pilipinas.
Naging paksa rin ang kalakal at sinabi ni Pangulong Duterte na nalulugod siya sa general system of preference at nagmungkahing magkaroon ng free trade agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Nangako umano si Pangulong Trump na pag-aaralan nila ang mungkahi.
Napag-usapan din ang papel ng business process outsourcing sa Pilipinas at maghahanap ng paraan upang mabawasan ang trade surplus sa pagitan ng America at Pilipinas.
Binanggit ni Pangulong Trump ang buwis na ipinapataw sa mga sasakyang gawa sa America samantalang walang sinisingil sa mga sasakyang mula sa Japan.
Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte si Pangulong Trump at ang Estados Unidos sa tulong na ipinagkaloob sa mga sagupaang naganap sa Marawi City na tumagal ng apat na buwan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |