|
||||||||
|
||
Melo 20180110
|
Malaking salapi ang nakalaan para sa mga pagawaing bayan
MAY NAKALAANG SALAPI PARA SA MGA PROYEKTO. Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark A. Villar na isang makasaysayang programme ang ipinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matugunan ang pangangailangan sa mga pagawaing-bayan. Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Secretary Villar na gagaan ang trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng infrastructure programs ng pamahalaan. (Melo M. Acuna)
AABOT sa P 650 bilyong piso ang nakalaan para sa mga pagawaing bayan sa taong ito. Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark A. Villar na lumago na mula tatlong porsiyento hanggang 5.4% ng Gross Domestic Product ang nagagastos para sa mga proyekto.
Niliwanag ni Secretary Villar na isang paraan ito upang mapunuan ang mga pagkukulang sa mga pagawaing bayan. Hindi lamang pawang paggastos ang ginagawa ng pamahalaan sapagkat may salaping makakamtan sa kaunlaran ng ekonomiya.
May salapi ang pamahalaan kaya't mumunti lamang ang salaping magmumula sa pagkakautang.
Balansyado ang pagkakalaan ng mga proyekto sa buong bansa. Ani Secretary Villar, may malalaking proyekto ang pamahalaan tulad ng Panay-Guimaras-Negros Bridge sa Kabisayaan tulad na rin ng Cebu-Cordova project at ang Mindanao Logistics Network na nagkakalahaga ng may P 80 bilyon.
Maipaliliwanag kung bakit may mga proyekto rin sa Metro Manila sapagkat may 20% ng mga mamamayan ang naninirahan sa Metro Manila.
DISIPLINA ANG KAILANGAN. ito naman ang sinabi ni Congressman Bayani F. Fernando ng Marikina City at dating DPWH Secretary at Chairman ng MMDA. Kahit may mga batas, kung 'di naman naipatutupad, walang patutunguhan ang mga layunin ng pamahalaan. (Melo M. Acuna)
Sa panig ni Congressman Bayani Fernando, dating Public Works and Highways Secretary at Chairman ng MMDA, kailangan talaga ang mga pagawaing bayan. Ipinagpasalamat ni Congressman Fernando na nabigyang-pansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pagawaing-bayan na kailangang maitayo sa pinakamadaling panahon.
Nabanggit ni Secretary Villar na ang Japan International Cooperation Agency mismo ang nagsabing umaabot sa P 2.4 bilyon ang nawawala sa bawat araw dahil sa trapiko. Layunin nilang mapaluwag ang Epifanio Delos Santos Avenue at ang C-5 sa pamamagitan ng mga bypass projects tulad ng NLEX-SLEX Connector, Skyway Extension, at pagtatayo ng C-6 kasabay ng Laguna Lake highway. Nais din nilang dagdagan ang mga tulay sa pagitan ng hilaga ang timog ng Kamaynilaan na tatawid sa Pasig River.
Kasama rin sa mga proyekto ang pagpapalawak ng Mindanao Avenue at ang pagkakaroon ng Katipunan Avenue extension at ang pagkakaroon ng daan sa pagitan ng Coastal Road at C-5.
Ayon kay Secretary Villar, makaaasa ang mga mamamayan na sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte ay luluwag na ang trapiko sa Metro Manila. Mahalaga rin ang nakatakdang pagsisimula ng subway, dagdag pa ni G. Villar.
Kasabay nito, nanawagan si Congressman Fernando sa madla na kailangang magkaroon ng disiplina sa mga mamamayan, mga tsuper at lahat na rin ng sektor ng lipunan.
Iminungkahi ni Dr. Primitivo Cal, isang consultant ng University of the Philippines at isang PhD sa Transportation Planning, na pag-ibayuhin ang programa ng pamahalaan sa mass transport sapagkat malaking tulong ang Light Rail at Metro Rail sa Metro Manila. Nagkakataon lamang na natatanyag ang MRT 3 sa dalas ng pagtirik nito.
Naiwan na umano ang Pilipinas ng mga kalapit bansa sapagkat una ang pagkakaroon ng LRT 1 sa bansa noong Disyembre ng 1984. Umaabot sa isang milyon katao ang sumasakay sa mga tren sa Metro Manila subalit umaabot naman sa limang milyon at anim na raang libong Koreano ang sumasakay sa tren sa Seoul. Naiwan na ang Pilipinas ng Bangkok, Singapore at Malaysia, dagdag pa ni Dr. Cal.
Ayon kay dating LTFRB Chairman Bert Suansing, kailangan ding ipabatid sa madla ang kahalagahan ng paggalang sa batas trapiko sapagkat dito nag-uugat ang problema sa mga lansangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |