|
||||||||
|
||
Walang anomalya sa pagbili ng mga barko
DEFENSE SECRETARY LORENZANA, ATBP. DUMALO SA PAGDINIG SA SENADO. Humarap si Defense Secretary Delfin N. Lorenzana (dulong kanan), Special Presidential Asst. Christopher "Bong" Go, Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at Foreign Secretary Alan Peter S. Cayetano sa paging ng Senado sa kontrobersyal na pagbili ng mga barking nagkakahalaga ng P 16 billion. (Senate PRIB Photo)
SINABI ni Defense Secretary Delfin N. Lorenzana na walang bahid ng katiwalian ang pagbili ng Pilipinas ng dalawang barkong nagkakahalaga ng higit sa P 16 bilyon mula sa Timog Korea.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senador Gregorio "Gringo" Honasan, sinabi ni Secretary Lorenzana na mayroon lamang nagtatangkang pigilin at patagalin ang pagbili ng mga bagong barko na mahalaga sa ginagampanang papel ng Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines.
Mahalaga ang mga barko sa ilalim ng modernization program ng pamahalaan. Mayroon umanong maneobrang ginawa si dating Flag-Officer-In-Command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado sa pagtatangka nitong dagdagan ng instrumentong wala naman sa napagkasunduan.
Paglabag umano ang ginagawa ni G. Mercado sa procurement law.
Pinipilit umano ni G. Mercado ang kumpanyang Koreano na magkaroon ng combat management system (CMS) na 'di nakasama sa probisyon ng kontrata. Ginamit pa umano ni G. Mercado ang kanyang poder sa pananakot sa supplier na kakanselahin ang kontrata kung 'di susundin ang kanyang nais.
Niliwanag ni Secretary Lorenzana na walang sinuman mula sa Office of the President o si Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go ang gumamit ng impluwensya o pangbabraso hinggil sa kontrata.
Kung mayroon mang nagtangkang gumamit ng impluwensya ay walang iba kundi si dating Vice Admiral Mercado na napatalsik sa kanyang puwesto kamakailan. Ipinaliwanag din ni Secretary Lorenzana na nawalan siya ng tiwala kay Mercado kaya't inalis na niya sa puesto bilang pinuno ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |