|
||||||||
|
||
20180315HumanRights.mp3
|
Isang mainit na isyu ngayon ang pagsasabi kamakailan ng United Nations High Commissioner for Human Rights na kailangan umanong magpatingin sa utak ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang mga ginagawang, di-umano ay paglabag sa karapatang pantao: ang tanong, lumalabag nga ba sa karapatang pantao si Pangulong Duterte?
Sinabi ni Zeid Ra'ad al-Hussein (Jordanian Prince), UN High Commissioner for Human Rights, na "he needs to submit himself to some sort of psychiatric examination," ito'y kaugnay ng di-umanong pananalita ng Duterte government na nais nitong ipadeklara bilang mga terorista ang isang UN investigator, dating abogadong Pilipino, at 4 na dating paring Katoliko.
Ayon pa rito kay Zeid, "this kind of comment is unacceptable, unacceptable."
Dahil dito, kaagad namang pinagtanggol ng ibat-ibang sektor ng Pilipinas at maging ng pamahalaang Tsino si Pangulong Duterte.
Sa obdiyektibong pananaw, at sa totoo lang, walang karapatan itong si Zeid na magbitaw ng ganoong pananalita, lalung-lalo na, laban sa isang lider ng isang soberanong bansa.
Mukhang itong si Zeid, ay mis-informed, panig sa mga dilawan, o walang alam sa totoong nangyayari sa Pilipinas.
Kung ano man ang dahilan ng kanyang pagbibitaw ng hindi karapat-dapat na pananalita laban sa isang democratically elected na lider ng isang soberanong bansa, dapat sigurong humingi siya ng paumanhin dahil sigurado akong hindi siya tatantanan ng mga Pilipino sa buong mundo.
Mukha kasing ginagawang sandata ng mga kalaban ng pagbabago ang isyu ng karapatang pantao laban sa administrasyong Duterte, at pinupulitika nila ito, upang maging internasyonal na isyu at upang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte.
Well, sigurado akong hindi magtatagumpay ang mga kampon ng dilaw dahil hindi tama at walang magandang layon ang kanilang mga ginagawa.
Kaparehong Situwasyon sa Tsina
Dito sa Tsina, hindi nagkakalayo ang situwasyon. Madalas i-single-out ng mga kanluraning bansa ang Tsina pagdating sa isyung ito, at madalas ding akusahan, bilang di-umano ay lumalabag sa karapatang pantao.
Bukod diyan, madalas din nilang ipinta ang Tsina sa internasyonal na media bilang may masamang kalagayan ng karapatang pantao. Sounds familiar, ano po?
Ganyan din kasi ang ginagawang estratehiya ng mga dilawan diyan sa atin: at itong mga ito ay suportado ng mga kanluraning bansa.
Halos 8 taon na po akong nakatira at nagtatrabaho rito sa Tsina, at ang aking pamilya ay Tsino, pero, ni minsan, hindi ko nakita ang mga paglabag sa karapatang pantao na sinasabi ng mga kanluraning bansa. Hmmm... Bakit kaya? Totoo ba ang sinasabi nila o sinisiraan lang nila ang Tsina, katulad ng ginagawa nila sa Pilipinas?
Magkahawig na magkahawig ang kanilang estratehiya sa Tsina at Pilipinas, kaya naman, hindi maalis sa isipan ko, na ang mga ito ay bahagi ng isang mas malaking plano upang muling madomina ng mga kanluraning bansa ang mundo, at mai-impose ang kanilang mga naisin sa lahat.
Una sa lahat, ang mga Tsino at hindi mga kanluranin ang nakakaalam sa tunay na kalagayan ng karapatang pantao sa Tsina.
Pwede mong tanungin ang mga Tsino kung ano sa palagay nila ang situwasyon ng karapatang pantao sa kanilang bansa, at naniniwala ako, na sasabihin ng karamihan sa kanila na lubhang mas mabuti ang kalagayang ito, kumpara sa nakalipas na panahon.
Taun-taon, 130 milyong turistang Tsino ang naglalakbay sa ibang bansa at 99.999 porsiyento ng mga ito ay nagbabalik sa Tsina. Kung totoo ang sinasabi ng mga kanluranin, bakit pa babalik ang mga taong ito sa isang bansang walang karapatang pantao?
Obviously, mukhang may mali sa ipinipintang imahe ng mga kanluranining bansa hinggil sa Tsina: ito'y katulad na katulad ng kanilang ginagawa sa Pilipnas.
Ang Tsina ay isang bansa, kung saan ang karapatang pantao ay malakas na umunlad, umuunlad at uunlad.
Talagang nakakapagtaka at nakakatulirong isipin na karamihan sa mga kanluranin ay naniniwalang mas alam pa nila kaysa sa mga Tsino ang mga pangyayari sa Tsina, o mas alam pa nila kaysa sa mga Pilipno ang mga pangyayari sa Pilipinas.
Nakakatawa dahil ipinakikita lang nila kung gaano sila ka-ignorante sa mga tunay na pangyayari at kultura ng Asya.
Isa pang halimbawa ay ang Aprika. Sa tingin nitong mga kanluranin, ang demokritisasyon ang kailangang maging priyoridad ng Aprika, pero, bago nila ito isipin o paki-alamanan --- tulad naman ng lagi nilang ginagawa, dapat sigurong tanungin muna nila ang mga Aprikano kung ano ang nais nila.
Pansinin po ninyo, halos lahat ng mga bansang pinaki-alaman nitong mga kanluranin ay nagkagulo. Halimbawa, Iraq, Afghanistan, Syria, Libya, at marami pang iba.
Sa kabilang dako, tulad ng Pilippinas, hindi sumusunod ang Tsina sa panuntunan ng mga taga-kanluran, at ipinauuna nito ang pagpuksa sa kahirapan bilang priyoridad sa pagsusulong ng karapatang pantao. Kaya naman, mula dekada 80, mahigit 700 milyong mamamayan ang nai-ahon ng Tsina mula sa kahirapan.
Kung magiging sunud-sunuran ang Tsina sa istandard ng mga taga-kanluran hinggil sa usapin ng karapatang pantao, ang pagpuksa sa kahirapan ay hindi maisasali bilang bahagi ng karapatang pantao at hindi mai-a-ahon ng Tsina mula sa kahirapan ang mahigit 700 milyong mamamayan nito..
Sa totoo lang kailangang pag-isipang mabuti ng mga taga-kanluran ang kanilang sariling depinisyon ng karapatang pantao. Kung ako'y tatanungin: ano ang pinaka-grabeng paglabag sa karapatang pantao sa ika-21 siglo, ito ay ang Digmaan sa Iraq, na inilunsad ng Amerika, na labag sa kagustuhan ng komunidad ng daigdig
Ilan libong inosenteng buhay ang nabuwis sa digmaang ito? Daan-daang libo, milyon? Ilang ang nawalan ng tahanan? Milyun-milyon?
Bukod diyan, bigo rin ang kanluraning retorika ng karapatang pantao na balansehin ang mga karapatang sibil, pulitikal, ekonomiko, panlipunan at kultural.
Halimbawa, sa konsepto ng American human rights, hindi kasama ang economic, social at cultural rights. Isa sa anim na Amerikano ngayon ay walang medical insurance: ang tanong ay bakit? Ang Amerika ang tinatawag na sandigan ng demokrasya at karapatang pantao, at bakit tila hindi nila ito nasosolusyonan? At bakit walang UN High Commissioner for Human Rights na kumakastigo sa Amerika? Hindi kaya, pulitika, dis-impormasyon, o kaya ay kabobohan lamang ang mga sinabi ni Zeid tungkol kay Pangulong Duterte? Hindi kaya, ang mga sinasabi ng mga kanluraning bansa at media tungkol sa Tsina ay purong pagmamanipula at pulitika lamang?
Iiwanan ko pong bukas ang mga katanungang iyan, at kayo na ang bahalang sumagot.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |