|
||||||||
|
||
20180125PagkaingTsino.mp3
|
Sa loob ng 3,000 taong kasaysayan ng sibilisasyong Tsino, natural lamang na magkakaroon din ng mahaba at mayamang kasaysayan ang pagkaing Tsino. Karamihan sa ating mga Pinoy, kapag sinabing "Chinese Food," ang agad na pumapasok sa isipan natin ay mga pagkaing natatagpuan sa Binondo – sa isang banda, tama po iyan, dahil ang mga pagkaing kinalakihan na natin ay bahagi rin ng mayaman at dibersipikadong kultura ng pagkain ng Tsina.
Pero, sa totoo lang, ang mga "Chinese Food" na kilala natin ay maliit na bahagi lamang ng tunay na lawak at laki ng saklaw ng mga pagkaing Tsino.
Ang mga pagkaing Tsino ay nahahati sa 8 katangi-tangi at espesyal na pagkakabaha-bahagi, na tinatawag din sa wikang Ingles na 8 Culinary Traditions, at ito ay ang mga sumusunod:
1. Guangdong/Cantonese Cuisine/粤菜 (Yuècài).
Sa kategoryang ito nabibilang ang mga pagkaing Tsinong nakagisnan at minahal na nating mga Pilipino. Ang katangian ng uri ng pagkaing ito ay manamis-namis, gumagamit ng braising at stewing at nilalagyan ng mga mild na sarsa, na gaya ng toyo, chili sauce, kalamansi at marami pang iba. Ang pagkaing Guangdong/Cantonese Cuisine/粤菜 (Yuècài) ay ang pinakapopular na uri ng pagkaing Tsino sa buong mundo. Ang probinsyang Guangdong, Hong Kong at Macau ay sikat din sa mga mataas na uri ng pagkaing-dagat at pagkaing mula sa bigas. Ang mga Tsinong mula sa rehiyong ito ay mayroong maraming uri ng pagkain, at ang mga ito ay may malumanay na lasa, at medyo manamis-namis. Ilan sa mga halimbawa ng kanilang mga pagkain ay: dimsum, siomai, pansit bihon, pansit canton, lumpiang shanghai, siopao, steamed na isda, chicken soy sauce, lugaw o congee, hopia, braised beef at marami pang iba.
2. Sichuan Cuisine 川菜 Chuāncài.
Ang kategoryang ito ay talagang maanghang at nakakamanhid ng labi at dila, at ginagamit sa kategoryang ito ang maraming sili, bawang, luya, mani, paminta, ma jiao o pamintang nakakamanhid/Sichuan Peppercorn at marami pang iba. Sa probinsyang Sichuan nanggaling ang mga pinakapopular at pinakatinatangkilik na pagkain sa mainland ng Tsina. Ang mga putahe ng Sichuan ay kilala dahil sa kanilang hot-spicy na lasa at siyempre, ang nakakamanhid na pakiramdam sa labi at dila. Hindi ito matatagpuan sa ibang kategorya ng pagkain ng Tsina. Bukod dito, may reputasyon ang Sichuan cuisine sa paggamit ng napakaraming pampalasa at bawat putahe ay may sariling paraan ng pagluluto. May kasabihan sila na, 'one dish with one flavor, with one hundred dishes come hundred flavors.' Ilan sa mga pinakakilalang putahe ng kategoryang ito ay: mapo tofu, kung pao chicken, Sichuan hot pot, dandan mian, ganbian sijidou o dry stir-fried bean, at marami pang iba. Lahat po ng mga pagkaing ito ay maanghang at magugustuhan ng ating mga kababayang mula sa Bicol region.
3. Jiangsu Cuisine 苏菜 Sūcài.
Ang mga pagkain sa kategoryang ito ay sariwa, maalat-alat, at manamis-namis. Ginagamit dito ang eksaktong paraan ng pagluluto, at kadalasang may rekadong pagkaing-dagat, may sopas, at mayroon ding artistic, at makulay na pagkaka-ayos. Ang probinsyang Jiangsu at lunsod Shanghai ay mayroong very refined na gourmet cuisine na laging inihahanda sa mga handaang pampamahalaan. Espesyal ito dahil sa katangi-tanging paraan ng pagluluto na nagpo-prodyus ng mayaman, mabango at artistikong presentasyon. Kilala rin ang kategoryang ito sa pagiging mainam sa katawan. Ilan sa mga sikat na pagkain sa kategoryang ito ay: water melon chicken, brine-boiled duck, sweet and sour mandarin fish, duck wrapped in shark fins, fireside broth, dumpling na may sabaw sa loob, piniritong siopao, at iba pa.
4. Zhejiang Cuisine 浙菜 Zhècài.
Ang mga pagkain sa kategoryang ito ay may malumanay ring lasa, at gumagamit ng sariwang lamang-dagat, isdang mula sa tubig-tabang, labong, at may malawak na paraan ng pagluluto. Ang probinsyang Zhejiang ay ang probinsya sa gawing timog ng lalawigang Jiangsu, at malapit din sa lunsod ng Shanghai, kaya naman ang teknik sa pagluluto ay similar, pero, hindi ganoon kakomplikado. Ang Zhejiang Cusine ay nakapokus sa pagsisilbi ng mga sariwang pagkain. Ang mga pagkain ay isinisilbi ng hilaw o halos hilaw pa, at sariwa, malutong at napapanahon lang. Similar din ito sa uri ng pagkain ng bansang Hapon. Ilan sa mga kilalang pagkain sa kategoryang ito ay: Dongpo Pork , Beggar's Chicken, West Lake Fish in Vinegar Gravy, Fish Balls in Clear Soup, Fried Cuttlefish Rolls, at Fried Shrimps with Longjing Tea.
5. Fujian/Min Cuisine 闽菜 Mǐncài.
Isa pa sa mga pagkaing Tsino na kinalakihan na nating mga Pinoy. Ang kategoryang ito ay may mild sweet and sour na lasa, at gumagamit ng mga rekadong mula sa dagat at kabundukan. Ang probinsyang Fujian ay kilala sa seafood at sopas, at eksaktong paggamit ng scintillating pero hindi nakakamanhid-dilang pampalasa. Ilan sa mga kilalang pagkain sa kategoryang ito ay: steamed chicken at fish, sweet and sour fish o pork, taichi prawns, hot and sour squid, at iba pa.
6. Hunan Cuisine 湘菜 Xiāngcài.
Ang mga pagkain sa kategoryang ito ay maanghang at maasim, pero di-tulad ng pagkainng Sichuan, hindi nakakamanhid ng labi at dila. Ang mga ito ay niluluto sa pamamagitan ng paggisa, stir-fry, pagpapa-usok at pag-i-istim. Kung ikaw ay taong mahilig sa Sichuan food, malamang ay magustuhan mo rin ang Hunan food dahil mas maanghang ito. Maliban diyan, ito rin ay mas malasa dahil hindi nakakamanhid ng dila at bibig.
Ilan sa mga kilalang putaheng Hunan ay: Steamed Ham, Pork Tripe Soup, Spicy Chicken, Steamed Fish Head with Diced Spicy Red Peppers, Money Fish, Red Roasted Shark's Fin, at Sugar Candy Lotus.
7. Anhui Cuisine 徽菜 Huīcài.
Gumagamit ng mga ligaw na halaman at gulay, at karne bilang rekado. Ang paraan ng pagluluto ay stewing at may karakteristikong mamantika. Ang Anhui cuisine ay mula sa kalikasan at parating sariwa, mas sariwa pa kaysa sa Fujian cuisine. Ang mga rekado ay mula pa sa mga bundok tulad ng the Yellow Mountain. Ang bundok na ito ay tinaguriang "hearty mountain peasant food." Ang lasa ng Anhui cuisine ay di-pangkaraniwan, pero ang ibang putahe ay manamis-namis dahil nilalagyan nila ng asukal. Ilan sa mga kilalang putahe ay: Mao Tofu: isang tradisyonal na meryendang gawa sa "stinky" tofu. Ito'y niluto sa sesame oil at sili; Yellow Crab Shell Cake: hindi ito gawa sa crab shell. Tinagurian itong ganito dahil sa dilaw na kulay at pabilog na hugis. Ito'y isang uri ng dumpling na pinalamnan ng tinadtad na gulay at karne, at hinurno; Luzhou Roast Duck: isang local na gourmet delicacy.
8. Shandong Cuisine 鲁菜 Lǔcài.
Ang mga pagkaing ito ay maalat at malutong at niluluto sa pamamagitan ng braising at kadalasan ay lamang-dagat. Ang probinsyang Shandong ay isa sa mga unang naging sibilisadong lugar ng Tsina at ito ang naging paderno ng hilagang isitilo ng pagluluto ng Tsina. Dahil mayroon itong mahabang dalampasigan, natural lamang na lamang-dagat ang espesyalti nito.
Ipinepreserba nila ang orihinal na lasa ng lamang-dagat sa pamamagitan ng paggamit ng simpleng rekado tulad ng braising. Bukod dito, gusto rin nilang lagyan ng suka at asin ang kanilang mga pagkain. Di-tulad ng isitilong timog, mas marami ang mga pagkaing mula sa harina sa Shandong cuisine, tulad ng ibat-ibang uri ng pansit. Ilan sa mga kilalang putahe ay: Diced Pork Cooked in a Pot, Braised Colon in Brown Sauce, Four Joy Meatballs, Eight Treasures Stuffed Chicken in Milk Soup, Dezhou Grilled Chicken.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |