|
||||||||
|
||
Relasyong namamagitan sa Tsina at Pilipinas, kinabibilangan ng kalakal at investments
AMBASSADOR ZHAO JIANHUA, UMAASANG MAGKAKAROON NG INDUSTRIAL PARK BAGO MATAPOS ANG TAON. Sinabi ni Ambassador Zhao Jianhua na malaki ang posbilidad na magkaroon ng industrial park para sa mga Tsino sa Pilipinas. Ito ang kanyang binanggit sa talumpati sa pagtitipon ng PCCI, ICC at iba pang mga samahan at ng Department of Trade and industry. (Melo M. Acuna)
ANG nagaganap na mabuti at mainit na relasyon ng Tsina at Pilipinas ay kinabibilangan ng kalakal at investments.
Ito ang sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua sa kanyang talumpati sa programang nagsusulong ng China International Import Expo na nakatakdang gawin sa Shanghai sa darating na ikalima hanggang ikasampu ng Nobyembre ng 2018.
Ani Ambassador Zhao, umabot sa 930,000 mga Tsinong turista ang dumalaw sa Pilipinas mula unang araw ng Enero hanggang ika-22 ng Disyembre ng 2017. Nagkaroon pa ng higit sa 110,000 mga Tsinong turista ang dumalaw sa Pilipinas noong Chinese New Year festivities. Tumaas umano ng 40% ang bilang ng mga Tsinong dumalaw sa Pilipinas noong 2017 at malaki ang posibilidad na maungusan nila ang mga mula sa Timog Korea na umabot sa 1.5 milyon noong 2017.
Idinagdag pa ni Ambassador Zhao na mahalagang pamilihan ang Tsina sapagkat mayroong 1.4 bilyon katao na kinabibilangan ng mga 600 milyong kasama sa middle class. Kung noong 1978, umabot lamang sa US$ 260 ang per capita GDP, umabot na ito sa US$ 8,000 noong 2017. Hindi umano magtatagal ay makakamtan ng Tsina ang per capita GDP na higit sa US$10,000.
Ayon kay Ambassador Zhao, mas maraming milyonaryo sa Beijing kaysa New York.
Sa pagkakataong ito, mangangailangan ang Tsina ng lahat ng ipagbibili ng Pilipinas.
Ipinagmamalaki umano niya na maging nangungunang trading partner ng Pilipinas mula ng dumalaw si Pangulong Duterte sa Tsina noong Oktubre ng 2016.
Binuksan umano ni Pangulong Xi Jinping ang pamilihan ng Tsina sa iba't ibang bansa upang makinabang sa kaunlarang idudulot ng kalakal at investments sa rehiyon. Mas marami umanong makikinabang sa pakikipagkalakal sa kanilang bansa.
Binuksan nila ang pamilihan samantalang may mga mauunlad na bansang naghihigpit at nagsasara ng kanilang ekonomiya sa ibang mga bansa kaya't mas ginusto nilang umangat din ang mga kalapit bansa.
Suportado ng Tsina ang Build, Build, Build program ni Pangulong Duterte sapagkat nag-aalok sila ng soft loans mula sa pribadong sektor at maging sa state-owned enterprises.
Umaasa rin si Ambassador Zhao na mabubuksan ang unang Chinese industrial park bago matapos ang taong 2018.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |