|
||||||||
|
||
Makabayan bloc, nagpetisyon sa Korte Suprema
HINILING ng mga mambabatas na kabilang sa Makabayan bloc sa Korte Suprema na ibasura ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida na humihiling na patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Isang motion for intervention ang kanilang ipinarating sa Korte Suprema na humihiling na ibasura ang petisyon ni G. Calida. Ang grupo ng mga mambabatas ang pangalawang grupo na nagpetisyon sa Korte Suprema.
Ayon sa grupo ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng quo warranto case ay maglalagay sa ibayong panganib at maglalagay sa alanganin sa lahat ng matatanggal sa pamamagitan ng impeachment. Ito ang paliwanag ni Bayan Muna Congressman Carlos Zarate.
Ang mga kasamang nakilala bilang intervenor ay sina Zarate, ACT Teacher Party List Representative Antonio Tinio at Francisca Castro, Gabriela Women's Party List Representatives Emerenciana de Jesus at Arlene Brosas, Anakpawis Party List Representative Ariel Casilao at Kabataan Party List Representative Sara Jane Elago.
Kabilang din sa intervenor sina dating Senador Rene Saguisag, Bishop Broderick Pabillo, Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes, Jr., Aksyon Demokratiko affiliate Kaye Ann Legazpi, at National Union of People's Lawyers Secretary General Ephraim Cortez.
Kasama rin sina Francisco Alcuaz, Bonifacio Ilagan at retired Colonel George Rabusa na kasama sa Movement Against Tyranny.
Ang intevention ay nagaganap sa pagpasok ng ikatlong grupo sa usapin upang ipagtanggol ang karapatan ninoman sa pangyayari.
May naunang grupo na nagparating ng kanilang petisyon sa Korte Suprema at kinabibilangan nina farmer leader Noland Penas, dating Pag-IBIG Fund chief Mel Alonzo, Masteral student Rey Anne Librado, urban poor advocate Alice Gentolia Murphy at ang human rights advocate Mardi Suplido. Ayon sa grupo, maliwanag sa Saligang Batas na impeachment lamang ang nalalabing paraan upang mapatalsik si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |