|
||||||||
|
||
PNP, tutulong sa imbestigasyon
TINIYAK ni Sr. Supt. Benigno Durana, Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police na makikiisa ang kanilang tanggapan sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa pinaniniwalaang maanomalyang pagbili ng patrol jeep mula sa Mahindra na nagkakahalaga ng P 1.8 bilyon.
Naniniwala ang ilang mga senador na nakasama sa Philippine National Police ang pagbili ng mga sasakyang ito mga huling buwan ng Aquino administration.
Ani Sr. Supt. Durana, mula sa pahayag ni Pangulong Duterte, sasabay sila sa gagawing imbestigasyon sapagkat kailangang pangalagaan ang salapi ng mga mamamayan.
Sinabi ni Senador Grace Poe na isusulong niya ang imbestigasyon sa pagbili ng mga jeep sapagkat mula pa noong 2014 nabahala na siya sa kalakaran ng subasta.
Inayos umano ang kontrata upang tanging Mahindra ang makakakuha ng malaking benepisyo. Kumpirmado lamang ng Commission on Audit ang kanyang pagdududa kaya't aalamin kung mayroong nararapat managot sa panig ng Philippine National Police.
Sinabi naman ng Philippine National Police na ang pagbili ng Mahindra Enforcer at Mahindra Scorpio noong 2015 ay sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Sinabi ni G. Durana na ang pagpili ng mga sasakyan ay hindi dumaan sa Bids and Awards Committee ng Philippine National Police bagkos ay sa Department of Budget and Management.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |