|
||||||||
|
||
Baha at mabagal na daloy ng sasakyan, magtatagal pa
PAGLILINIS NG MGA LANSANGAN IPAGPAPATULOY. Ito ang sinabi ni Director Nelson Nebrija (gitna) ng MMDA sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina. Marami pa umanong nakasasagabal sa daloy ng mga sasakyan na pinatitindi pa ng pagbaha. Na sa larawan din si Toll Regulatory Board consultant Bert Suansing (kaliwa) at Manila City Engineer Senior staff Engr. Josie Saing. (Melo M. Acuna)
MUKHANG mahihirapan pa ang mga motorista at mga pasahero sa pagpapatuloy na mabagal na daloy ng mga sasakyan na higit na tumitindi pa sa pagbuhos ng malakas na ulan.
Ito ang sinabi ni Director Edison Nebrija ng Metro Manila Development Authority sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina lalo pa't tuloy pa ang kanilang clearing operations sa mga lansangang may mga ipinagbabawal na gusali, sasakyan at iba pang nakasasagabal sa daloy ng mga sasakyan.
KAILANGAN ANG MASS TRANSPORT. Nanawagan si G. Augusto Lagman, pangulo ng Automobile Association of the Philippines (AAP) na dagdagan ang mga tren upang huwag nang gumamit ng mga pribadong sasakyan ang mga mamamayan. (Melo M. Acuna)
Sa panig naman ni G. Augusto "Gus" Lagman, pangulo ng Automobile Association of the Philippines na kailangang paghusayin ang mga sasakyang pakikinabangan ng mas nakararaming pasahero upang huwag nang magdala ng mga pribadong sasakyan.
Samantala, sinabi rin niyang hindi na makatutulong ang number coding sapagkat bumibili lamang ng dagdag na sasakyan ang mga may kakayahan. Magugunitang nakapagbili ang Toyota Motor Philippines ng 184,000 sasakyan noong nakalipas na taon at may 60 porsiyento sa mga ito ang nasa Metro Manila.
Sa panig ni Engr. Josie Saing ng Manila City Engineer's Office, sinabi niyang may koordinasyon ang kanilang tanggapan sa mga public utility providers at maging sa Department of Public Works and Highways sa bawat pagawaing-bayan na ipinatutupad.
Ayon naman kay Engr. Alberto Suansing, umaasa silang malulutas ang mga right-of-way problems ng mga gumagawa ng skyway upang matapos na ang mga ito. Nabanggit niyang problema ang paglilipat ng mga poste ng kuryente at telepono sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila na mayroong mga road widening projects.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |