Ayon sa datos na isinapubliko nitong Linggo, Oktubre 18, 2020 ng Ministri ng Kalusugan ng Malaysia, hanggang Linggo ng tanghali, 871 ang bilang ng mga bagong naitalang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansang ito nitong nakalipas na 24 oras, at 7 ang bagong pumanaw.
Ito ang ika-2 araw singkad na daily high ng Malaysia sapul nang sumiklab ang pandemiya.
Samantala, 20,498 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Malaysia, at 187 naman ang kabuuang bilang ng mga pumanaw.
Sa news briefing nang araw ring iyon, sinabi ni Noor Hisham Abdullahm, Direktor-Heneral ng nasabing ministri, na pagkaraang isagawa ng departamentong pangkalusugan ang mga katugong hakbangin, bumaba sa 1.5 ang reproduction number ng COVID-19 ng bansa, mula 2.5 noong huling dako ng Setyembre.
Aniya, posibleng tumagal ang tuluy-tuloy na pagdaragdag ng mga bagong kumpirmadong kaso, pero tinatayang di lilitaw ang explosive growth.
Salin: Vera