Noong Dekada 90 ang distrito ng Pudong sa Shanghai ay isang malawak na sakahan.
Balik-tanaw ni Raquel So, Technical Applications Manager ng Mobile & Web Technology ng Shanghai Disney Resort, noong 2004 una niyang napuntahan ang Pudong, "It was a grassland. It was very flat except for Pudong Pearl Tower and the Shanghai Aquarium,” paglalarawan niya.
Kaya nang malamang madedestino sa Pudong ang kaniyang asawa at doon din mag-aaral ang kanilang mga anak, batay sa kaniyang nakita noong 2004, di napigilan ni Raquel ang mag-alala para sa pamilya, “We would be living in the middle of nowhere.”
Ngayon, sampung taon nang naninirahan ang Pamilya So sa Pudong District ng Shanghai. Hindi lamang mainam na lugar na tirahan, pwede ring tawagin ani Raquel ang Pudong bilang economic and cultural hub.
Si Raquel sa estatuwa nina Mickey Mouse at Walt Disney
Pagbabahagi ni Raquel, malayong malayo ang Pudong ngayon, kumpara sa nakita niya noong 2004. Ngayon may matatas at modernong mga gusali. Iconic at walang kaparis sa mundo ang skyline ng Pudong, na simbolo ng napaka-modernong Shanghai.
Magandang Pudong sa tagsibol
Ang Pudong, ayon kay Raquel ay magandang lugar na tirahan dahil matapos ang nakakapagod na araw ng pagtatrabaho sa lunsod, sila ay uuwi sa mas tahimik, berde at mapuno na bahagi ng Shanghai. Sa kabila ng mga malalaking gusali, maraming green spaces sa Pudong. Ang Century Park, isa sa pinakamalaking parke sa Shanghai, ay makikita sa gitna ng Pudong.
Ang Pamilya So sa labas ng kanilang tahanan sa Pudong habang pinalilibutan ng magagandang bulaklak sa tagsibol
Para sa mga may pamilya, mas tahimik, mas malinis ang hangin, mas luntian at mahalaman, at mas maraming lugar para maglaro ang mga bata. Dagdag ni Raquel, makikita rin sa Pudong ang ilan sa pinakamahusay na international schools.
Malaking selebrasyon ang ipinagdiriwang sa Pudong ngayong taon dahil 30 taon na ang nakalilipas simula nang isagawa ang planong pang-kaunlaran at pagbubukas ng distrito sa labas. Ipinagmamalaki ang Pudong New Area bilang hub na pinansyal at sentro ng inobasyong panteknolohiya.
Hinggil dito, binanggit ni Raquel ang mga importanteng lugar sa Pudong na gaya ng Lujiazui na itinuturing bilang financial district of Shanghai kung saan matatagpuan ang Shanghai World Financial Center. Aniya maraming mga bangko at insurance companies ang nagbukas ng opisina sa Pudong kasama na rito ang Shanghai Stock Exchange. Samantala, nasa Pudong din ang Zhangjiang Hi-Tech Park kung saan nakikita ang maraming mga IT companies.
Night out kasama ang mga kaibigang Pinoy ni Raquel kung saan makikita sa likod ang Pudong skyline
Bentahe rin ani Raquel ang pagiging malapit sa dagat ng Pudong. Maraming sea ports na siyang lagusan para sa mga imported and exported goods.
Ibinahagi ni Raquel na sa libre niyang oras hilig niyang maglibut-libot sa Pudong. Maraming pwedeng pasyalan ang mga turista, kasama na ang Disneyland at ang malawak na safari park. Rekomendado niya ang pamamasyal sa Lujiazui. Dapat puntahan ang Pudong Pearl Tower at ang gusaling sikat bilang "bottle opener" o ang Shanghai World Financial Center. Kung matatandaan, sa Pudong idinaos ang 2010 World Expo, aniya pa.
Si Raquel kasama ng pamilya sa Disneyland
Para sa mahilig sa arts, sa Mercedes Benz Arena mapapanood ang maraming mga pagtatanghal. Dito nag-perform ang mga sikat na world artists gaya nina Bruno Mars, Taylor Swift, Katy Perry at Arianna Grande.
Lahat ng kailangan para sa modern city living ay mayroon ang Pudong. Pero may isang “wish” si Raquel, aniya kung madadagdagan ang mga pagpipiliang restos sa Pudong kagaya ng dami sa Puxi, pwede ng maging “perfect” ang buhay-buhay sa Pudong.
Bilang pagtatapos, ibinahagi ni Raquel na walang ibang pupuntahan ang Pudong kundi ang higit na pagtaas at pag-usad. Patuloy itong magiging gateway ng Tsina, dahil sa planong pagpapalawak pa ng iba’t ibang free trade zones sa distrito.
Ulat: Mac Ramos
Edit: Jade
Larawan: Raquel So