Isinapubliko kamakailan ng Ministri ng Depensa ng Australya ang isang ulat ng imbestigasyon, kung saan detalyadong isinalaysay ang mga aksyong kriminal laban sa sangkatauhan na ginawa ng mga sundalong Australyano sa Afghanistan, na gaya ng pagpatay sa mga inosenteng sibilyan, at higit sa lahat, pagpatay sa dalawang 14-taong gulang na batang lalaki.
Sa harap ng seryosong krimen ng mga sundalong Australyano, sa halip na humingi ng paumanhin, inihayag ni Punong Ministro Scott Morrison ang kawalang kasiyahan sa isang siniping likhang-sining sa social media platform ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina bilang pagbatikos sa krimen ng mga sundalong Australyano.
Sinabi niyang dapat humingi ng paumanhin ang Tsina sa aksyong ito.
Makikita ng sinumang may budhi na ang siniping likhang-sining ng opisyal na Tsino ay isang karikaturang ginawa batay sa nilalaman ng nabanggit na ulat ng panig Australyano.
Hindi ito litrato sa pinangyarihan ng krimen, subalit totoo ang nilalaman.
Ang kilos ni Morrison sa insidenteng ito ay lubos na nagbubunyag sa kanyang hegemonistikong atityud, pagkukunwari at pagkiling sa double standard.
Dagdag pa riyan, tinatangka niyang ibaling sa Tsina ang sisi, upang ilihim ang mga kamalian ng sariling bansa sa karapatang pantao.
Matapos ito, walang batayang binatikos ng ilang kaalyansa ng Australya ang Tsina.
Ang kanilang pagkunsinti sa krimen sa digmaan at panghahamak sa katarungan ay maikukunsiderang pakikipagsabwatan sa teroristang tropang kanluranin, na nagkukubli sa ngalan ng kapayapaan.
Sila ang tunay na yumuyurak sa kapayapaan at katarungan.
Tulad ng babala ni Tony Kevin, dating Embahador ng Australya sa Poland at Kambodya: ang Australya ay mabilis na nagsisilbing isang kalunus-lunos na katatawanan.
Kung hindi isasaayos ng mga pulitikong Australyano ang kanilang hukbo, parurusahan ang mga kriminal, at hihingi ng paumanhin sa mga mamamayang Afghan, hindi lamang reputasyon ng sariling bansa ang masisira, kundi mawawasak din ang “values” na ipinagmamalaki ng mga bansang kanluranin.
Salin: Vera