Isa nang hindi maihihiwalay na bahagi ng kultura at hapag-kainang Pilipino ang mga putaheng gaya ng pansit, lumpia, tausi, chopsuey, tokwa, siopao, siomai, hopia, at marami pang iba.
Ang mga ito ay pagkaing may-kaugnayan sa Tsina, at dinala sa Pilipinas ng mga manlalakbay at negosyanteng Tsino maraming taon na ang nakakaraan.
Sa mga pagkaing nagmula sa Tsina, ang pansit ang masasabing pinakakilala; at kahit nagkaroon ito ng malaking pagbabago pagdating sa Pilipinas, sinisimbolo ng bawat hibla ng pansit ang matatag na relasyong pangkultura na nag-ugnay sa mga sinaunang Pilipino at Tsino, at patuloy na nag-uugnay sa Pilipinas at Tsina ng makabagong panahon.
Pero siyempre, pagdating sa Pilipinas, ang pansit ay nagkaroon ng bagong anyo, lasa at katangian upang umangkop sa panlasa nating mga Pilipino, at isang magandang halimbawa ay ang malinamnam at kilalang beef mami sa Binondo.
Kung ikukumpara sa niu rou mian o beef noodles ng Tsina, ang beef mami nating mga Pilipino ay ibang-iba, dahil magkaiba ang ginagamit na pansit o noodles, mga rekado, at higit sa lahat, magkaiba ang lasa.
iba't ibang uri ng niu rou mian o beef noodles ng Tsina
Ganito rin ang situwasyon kung ihahambing ang pansit-bihon, at pansit-canton nating mga Pilipino sa chao mifen, at chao mian ng mga Tsino.
Kung susuriin ang mga pansit sa bawat lugar ng Pilipinas at Tsina, bawat isa sa mga ito ay may kani-kanyang kuwento, at natatanging kasaysayan sa ilalim ng kanilang masasarap na lasa.
Tulad din ng nangyari sa Pilipinas, nagkaroon ng metamorposis ang pansit sa Tsina.
Sa pamamagitan ng masikap at malikhaing kamay ng mga Tsino, dahan-dahang nabuo ang kakaibang lasa, paraan ng paggawa, paraan ng pagluluto, at kultura ng pansit na angkop sa panlasa ng mga Tsino.
Kaya naman, sa mga probinsya, lunsod at ibat-ibang bayan sa apat na sulok ng Tsina, maaaring matikman ang mas kakaibang mga pansit na nagtataglay ng pambihira at kakaibang katangian.
Sa mga lalawigang Fujian at Guangdong, sa gawing timog-silangan, kilala ang Ganchaoniuhe (gisadong pansit-bihon na nilahukan ng karne ng baka) at Huntunmian (sinabawang wonton na nilahukan ng mami).
Ganchaoniuhe
Huntunmian
Ang dalawang lalawigang ito ay may malaking papel sa pagkakakilala ng mga Pilipino sa kulturang Tsino, at siya ring pinagmulan ng pansit-sotanghon, pansit-bihon, pansit-canton, mami at iba pang pansit ng Pilipinas.
Bukod sa mga ito, marami pang ibang uri ng pansit sa Tsina, na gaya ng Zhajiangmian ng Beijing (pansit na may sarsa ng pulang balatong, karne, at ginayat na pipino); Reganmian ng Wuhan (pansit na may sarsa ng linga); at Dandanmian ng Sichuan (pansit na may maanghang na sarsa at giniling na karne).
Zhajiangmian
Dandanmian
Reganmian
Ilan lamang ang mga nabanggit sa napakaraming uri ng pansit sa Tsina, at kailangang gumamit ng gabundok na papel para mailista ang pangalan ng lahat ng mga ito.
Pareho sa Pilipinas, ang pansit sa Tsina ay hindi lamang isang uri ng pagkain, ito rin ay may-kaugnayan sa kultura at bahagi ng karaniwang buhay ng mga mamamayan.
May isang kasabihan sa hilagang Tsina, “kumain ng pansit sa pagdating at kumain ng dumpling sa paglisan.”
Ibig sabihin, isang kaugalian ng mga Tsino sa hilaga, na isilbi sa mga bisita ang pansit bilang mabuting pagtanggap, at inaalok naman ang dumpling, bilang tanda ng mabuting hangarin sa kanilang pag-alis.
At siyempre, kagaya rin sa Pilipinas, isa ring malawakang kagawian sa Tsina ang pagsisilbi ng pansit o mami sa isang may-kaarawan upang magtamasa ng mahabang buhay: tulad ng hibla ng mahabang pansit.
Ang pansit na ito ay tinatawag na Changshoumian o pansit ng mahabang buhay.
Ang Changshou ay nangangahulugang mahabang buhay, kaya ang pagsisilbi nito sa isang may-kaarawan ay pagpapahayag ng mabuting hangarin sa pagkakaroon ng mahaba at masaganang pamumuhay.
Dagdag pa riyan, ang pansit ay maaaring gamitin bilang pagpapahayag ng mabuting hangarin sa mga kaibigan, paggalang sa mga nakatatanda, pagmamahalan ng mag-asawa at iba pa.
Sa pamamagitan pansit, natitikman ang katakam-takam na lasa, at nararamdaman ang kaaya-aya at makasaysayang ng kulturang Pilipino at Tsino.
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade
Larawan: VCG/Jade
Source:
Hango sa orihinal na pananaliksik ni Cui Qianxun (Tracy) – Mag-aaral ng Kagawarang Filipino, Beijing Foreign Studies University, sa ilalim ng pahintulot ni Propesora Huo Ran (Delia)
The Chinese Cultural Influence on Filipino Cuisine, a thesis for Master of Arts in International Studies by Brandon Chase Lantrip, University of San Francisco, December 2017