Si Sultan Mohammad Dipatuan Kudarat, o mas kilala sa tawag na Sultan Kudarat ay isa sa mga taong may malaking ambag sa pagkakaroon ng sariling pambansang kamalayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Bilang pagpupugay at parangal sa kanyang kontribusyon, idineklara siyang pambansang bayani ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Enero 13, 1975, at ini-atas na idambana ang kanyang pangalan sa Pambansang Bulwagan ng Karangalan, kasama ang iba pang mga dakilang bayani upang pamarisan ng mga susunod na henerasyon.
Maliban dito, sa bisa ng Letter of Instruction 126, na inilabas ni Marcos noong Setyembre ng 1973, ibinigay ang mga commemorative stamp sa mga salinlahi ng sultan upang parangalan at pasalamatan ang napakahalagang kontribusyon ng mga Pilipinong Muslim sa pagpupunyagi ng Pilipinas upang mapalaya ang sarili mula sa tanikala ng mga dayuhang mananakop (Espanya, Amerika at Hapon) sa loob ng halos 400 taon.
Ngayong araw, Enero 13, 2021 ay ang ika-46 na anibersaryo ng pagkilala kay Sultan Kudarat bilang pambansang bayani ng Pilipinas; kaya naman, nais kong ihandog sa inyo ang mahahalagang kaalaman tungkol sa buhay at pamumuno ng matalino at magiting na sultan.
Monumento ni Sultan Kudarat sa Ayala Avenue, Makati.
Sultan Kudarat, pinakamakapangyarihang sultan ng Pilipinas
Si Sultan Kudarat ay direktang salinlahi ni Shariff Muhammed Kabungsuan, isang misyonaryong Muslim na nagpakalat ng relihiyong Islam sa Maguindanao at unang Sultan ng Sultanato ng Maguindanao noong ika-14 na siglo.
Siyam na taon, matapos mapuwersa ni Miguel Lopez de Legazpi na lumagda sa isang “kasunduang pangkapayapaan” ang mga rajah at lakan ng Maynila at Lusung o Luzon na sina Rajah Sulayman, Rajah Matanda at Lakan Dula, ipinanganak si Sultan Kudarat noong 1580.
Ang kanyang pamamahala bilang sultan ng Maguindanao ay maikokonsidera bilang isa sa mga pinakamakulay sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa edad na 39 anyos, umakyat siya sa trono ng Sultanato ng Maguindanao, at sa loob ng 52 taon, mula 1619-1671, ipinamalas niya ang kanyang katalinuhan at kagalingan sa pamamahala ng bayan at pagsusulong sa kapakanan ng mga mamamayan.
Sa panahon ni Sultan Kudarat, naabot ng Sultanato ng Maguindanao ang pinakamataas na tagumpay, at nabilang sa mga nasasakupan nito ang siyam na kasalukuyang lalawigang tulad ng Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Zamboanga Sibugay, at Zamboanga del Sur.
Sa ilalim ni Sultan Kudarat, ang Maguindanao ay nagkaroon ng bukas at malakas na akses sa internasyonal na kalakalan.
Ito ay nakipagpalitan ng ibat-ibang produkto, kagamitan at sandata sa Tsina, Netherlands, Britanya, at iba pa.
At upang mapalakas ang ugnayan sa Sultanato ng Sulu, na kumokontrol sa malawak na yaman at teritoryo, nakipag-alyansa si Sultan Kudarat kay Sultan Mawallil Wasit ng Sulu.
Pinakasalan ni Sultan Kudarat ang isa sa mga anak na babae ng sultan ng Sulu, kaya naman ang kanyang impluwensiya, katanyagan at kapangyarihan ay umaabot hanggang sa Sabah, hilagang Borneo.
Bukod pa rito, malaki rin ang kanyang kontribusyon sa pagpapalaganap ng mga aral at alintuntunin ng Islam sa mga Muslim sa Maguindanao, Sulu hanggang sa Moluccas.
Maliban sa pangalang Sultan Kudarat, kilala rin siya sa titulong Nasir Uddin at noong mga taong 1650, kinilala siya bilang pinakamakapangyarihang pinunong Muslim sa Pilipinas.
Pakikipagdigma para sa kasarinlan
Bago pa man umakyat sa trono, nagkaroon na ng ilang engkuwentro si Sultan Kudarat laban sa mga puwersang Espanyol, at sa pagbagsak ng Rahanato ng Maynila at Kaharian ng Lusung, naunawaan niyang malaking banta para sa kasaganaan at katiwasayan ng Maguindanao ang mga Espanyol.
Kasama ang mga sandatahang puwersa ng Sultanato ng Sulu, inilunsad ni Sultan Kudarat ang mga koordinadong pagsalakay sa sentro ng kapangyarihan ng Espanya sa Visayas.
Bukod dito, noong 1634, matagumpay nilang sinalakay ang Leyte, Bohol, at Dapitan, na mahahalagang posisyon para sa mga Espanyol.
Dahil dito, noong unang bahagi ng taong 1637, personal na pinamunuan ni Kapitan at Gobernador Heneral Hurtado de Corcuera ang pinagsamang puwersa ng mga Espanyol, at iba pang mula sa Lusung at Visayas upang salakayin ang kuta ni Sultan Kudarat sa Lamitan.
Layon ng eskpedisyong ito na kubkubin ang sentro ng kapangyarihan ng Sultanato ng Magindanao at ipalaganap ang Katolisismo sa pamamagitan ng dahas, talim at pulbura.
Para sa kasarinlan ng Maguindanao, magiting na nakipagdigma si Sultan Kudarat, kasama ang kanyang 2,000 mandirigmang kung tawagin ay juramentado, laban sa mga puwersang Espanyol.
Ang juramentado ay tumutukoy sa isang mandirigmang lalaking Muslim na sumailalim sa mga rituwal upang ihanda ang kanyang isipan at katawan upang lumaban hanggang kamatayan.
Ayon sa historyador na si Isidro Abeto (1989), nang maging desperado ang situwasyon para kay Sultan Kudarat, napilitang sumali na rin sa labanan ang mga kababaihan at kabataan upang ipagtanggol ang kanilang kasarinlan.
Marami ang nagbuwis ng buhay sa kapuwa panig, at ito ang tinaguriang pinakamalagim at pinakamadugong pakikipaglaban sa buhay ng sultan.
Tinamaan ng punlo si Sultan Kudarat sa isang bisig, ngunit nagawa pa rin niyang lumaban at tumakas.
Samantala, kipkip ang kanilang sanggol na anak, sinugod ng asawa ni Sultan Kudarat ang linya ng mga Espanyol at tumalon sa bangin upang makatakas.
Sa kabila ng pagkatalong ito, inilipat ni Sultan Kudarat ang sentro ng kanyang pamahalaan sa Pulangi..
Nanawagan siya sa lahat ng mga lider-Muslim na manatiling matatag sa relihiyong Islam at ipagtanggol ang kanilang mga nasasakupan laban sa anumang pananalakay ng mga dayuhan.
Nang ilang Maranao na datu ang nakipagtulungan sa mga Espanyol upang itayo ang isang portipikadong kuta sa gitna ng mga panirahan ng mga Muslim, nagpatawag siya ng pulong upang pagsabihan sila at ipangaral sa kanila ang magiging resulta ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang ito.
Sa kanyang talumpati, sinabi niyang:
“Ano ang inyong ginawa! Alam ba ninyo ang pagkasupil na naghihintay sa inyo? Kayo ay magiging alipin ng mga Espanyol! Pagmasdan ninyo ang minsang maluluwalhating nasyong kanilang nasupil, tingnan ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan na kanilang ngayong dinaranas! Pagmasdan ninyo ang mga Tagalog! Ang mga Bisaya! Sa tingin ba ninyo, mas mabuti ang ibibigay na turing sa inyo ng mga Espanyol?
Nakita na ba ninyo kung paano sila apakan ng mga Espanyol? Hindi ba ninyo nakikita kung paano maubos ang kanilang lakas at sigla sa pamamagitan ng sapilitang pagsasagwan at pagtatrabaho sa mga pagawaan araw-araw? Hahayaan ba ninyo ang mga Espanyol na saktan kayo at kunin ang bunga ng inyong pinaghirapan?
Kung makikipagkasundo kayo ngayon sa mga Espanyol, bukas, kasama na rin kayo sa kanilang mga tagapagsagwan! Para sa akin, ako ay magiging isang piloto ng barko: ito ang pinakadakilang posisyong maaari nilang ibigay sa isang katulad ko.
Huwag kayong magpalinlang sa kanilang matatamis na salita. Nakatago sa likod ng kanilang mga pangako ang kasinungalingan, na unti-unti nilang gagamitin upang makontrol ang lahat. Suriin ninyo kung paano hindi tinupad ng mga Espanyol ang kanilang maliliit na pangako sa mga pinuno ng ibang nasyon upang makamtan ang kanilang mga pansariling layunin. Ngayon, ang mga Espanyol na ang panginoon ng mga pinunong ito.
Pagmasdan ninyo kung paano kontrolin at maltratuhin ng mga Espanyol ang mga pinuno ng mga nasyong ito!”
Dahil sa talumpati ni Sultan Kudarat, inihinto ng mga Maranao ang pagtulong sa mga Espanyol, at kinalaunan, lumahok na rin ang mga Maranao sa armadong pakikipaglaban.
Noong 1642, limang taon matapos ang labanan sa Lamitan, isa na namang hukbo ng pinagsamang mga Espanyol ang mga taga-Lusung at Visayas ang sumalakay kay Sultan Kudarat.
Pero, sa tulong ng ibang mga pinunong Muslim, hindi lamang naging matagumpay ang hukbo ni Sultan Kudarat, nagawa ring bihagin ng kanyang puwersa ang pinuno ng mga Espanyol.
Internasyonal na alyansa, itinayo ni Sultan Kudarat
Matapos maikonsolida ang kanyang alyansang lokal, nagpokus naman sa pagtatayo ng internasyonal na alyansa si Sultan Kudarat.
Gamit ang kanyang karisma at kaalaman sa politika, pinalawak niya ang kanyang mga kakampi na gaya ng Sultanato ng Sulu, Sultanato ng Brunei (Malaysia, Brunei), Sultanato ng Gowa (Indonesia), at Sultanato ng Ternate (Indonesia).
Mula 1656 hanggang 1658, limang sultanato ang naglunsad ng mga koordinadong pagsalakay sa mga kuta ng Espanyol sa Visayas, sa pangunguna ni Sultan Kudarat.
Bilang matalinong pinuno, nakipagtulungan din si Sultan Kudarat sa mga Olandes sa pamamagitan ng Dutch East India Company, kung saan, nagbenta siya ng bigas at mga aliping nabihag mula sa Visayas.
At dahil ang mga Olandes at Espanyol ay magkaribal sa pagkontrol ng kalakalan ng Spice Trade, gumawa rin siya ng mga hakbang upang pag-awayin ang dalawang paksyon.
Noong 1665, ini-urong ng Espanya ang mga puwersa nito mula sa Sultanato ng Maguindanao dahil: una, walang bunga ang mga kampanya nito laban sa mga puwersa ng Maguindanao at pangalawa, upang harapin ang bantang dulot sa Maynila ni Koxinga, isang piratang Tsino na nakabase sa Taiwan.
Bilang resulta, lumaganap ang kapayapaan, kasaganaan at katatagan sa Maguindanao, at ito ay tumagal hanggang sa pagpanaw ni Sultan Kudarat noong 1671.
Noong 1993, isa si Sultan Kudarat sa siyam na historikal na personaheng inirekomenda ng National Heroes Committee upang kilalanin bilang pambansang bayani.
Ang kanyang mga labi inilibing sa pampang ng Ilog Simuay sa lalawigan ng Sultan Kudarat, pero, walang nakaka-alam sa eksaktong lokasyon nito.
Artikulo/Larawan: Rhio Zablan
Edit: Jade
Source:
https://nhcp.gov.ph/resource/filipinos-in-history/martyrs/
https://www.officialgazette.gov.ph/1973/09/13/letter-of-instruction-no-126-s-1973/
Gems of Philippine oratory; selections representing fourteen centuries of Philippine thought, carefully compiled from credible sources in substitution for the pre-Spanish writings destroyed by missionary zeal, to supplement the later literature stunted by intolerant religious and political censorship, and as specimens of the untrammeled present-day utterances by Austin Craig, page 20-21, University of Manila, 1924.
Philippine history: reassessed, Abeto, Isidro Escare, University of Michigan Digital Library
Abeto, Isidro E. (1989). Philippine History: Reassessed. Manila: Integrated Publishing House.
Abinales, Patricio N., and Amoroso, Donna J. (2005). State and Society in the Philippines. Lanham, MD, United States: Rowman & Littlefield Publishers, Inc.