Jakarta, Indonesia—Nakipagtagpo nitong Miyerkules, Enero 13, 2021 si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia kay Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Saad ni Wang, bilang mga malaking umuunlad na bansa at mahalagang bagong-sibol na ekonomiya, may estratehikong katuturan at impluwensiyang pandaigdig ang kooperasyon ng Tsina at Indonesia.
Kasama ng panig Indonesian, nakahanda aniya ang panig Tsino, na ipatupad ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at gawing pangunahing tungkulin ang magkasamang paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagpapaunlad ng kooperasyon.
Ito ay upang mapasulong ang mas malaking pag-unlad ng bilateral na relasyon sa post pandemic era, dagdag ni Wang.
Aniya pa, kinakatigan ng panig Tsino ang panunungkulan ng Indonesia bilang tagapangulong bansa ng G20 sa taong 2022.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng dalawang panig, naniniwala si Wang na maisusulong ang inklusibong multilateralismo, maipagtatanggol ang katuwiran at katarungan ng daigdig, mapapasulong ang global governance sa post pandemic era, at maisasabalikat ang pananagutan ng mga malaking umuunlad na bansa.
Samantala, sinabi naman ni Pangulong Joko Widodo na sa panahon ng pandemiya ng COVID-19, kapansin-pansin ang natamong bunga ng kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng kalusugan.
Aniya, ipinadala na sa Indonesia ang bakunang ipinagkaloob ng panig Tsino, at siya mismo ang unang binakunahan nito sa buong bansa.
Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapalalim ng kapuwa panig ang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang gaya ng kalakalan, pamumuhunan, pinansya at people-to-people exchanges.
Salin: Vera