Sa kanyang espesyal na talumpati sa virtual Dialogue Meeting ng Davos Agenda ng World Economic Forum (WEF), ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa ngayon, hindi pa tapos ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ngunit, nananalig aniya siyang tiyak na mapagtatagumpayan ng sangkatauhan ang pandemiya, at mapapasulong at mapapalaki ang proseso ng pakikibaka laban sa pandemiya.
Ani Xi, dapat magkooperasyon ang buong mundo sa harap ng lahat ng isyung pandaigdig.
Hindi aniya maaaring malutas ang mga problemang kinakaharap ng sangkatauhan sa pamamagitan ng puwersa ng iisang bansa.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na walang magkaparehong dahon ng halaman sa mundo.
Sa katulad na paraan, wala rin aniyang magkaparehong kasaysayan, kultura, at sistemang panlipunan sa daigdig.
Ani Xi, may nagkakaibang kabutihan ang kasaysayan, kultura, at sistemang panlipunan ng iba’t-ibang bansa.
Kung ang mga ito aniya ay angkop sa kalagayang pang-estado ng bansa, makakamit ang suporta ng mga mamamayan, makakapagbigay ng katatagang panlipunan at progresong panlipunan, mapapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan, at makakapagbigay ng ambag para sa pagsulong ng usapin ng sangkatauhan.
Diin pa ni Xi, dapat pahalagahan ng komunidad ng daigdig ang pangmalayuang pananaw at isakatuparan ang pangako para magkaloob ng kinakailangang pagkatig sa mga umuunlad na bansa, igarantiya ang kanilang lehitimong karapatan ng pag-unlad, mapasulong ang pagkakapantay ng karapatan, oportunidad, at regulasyon, at magkakasamang tamasahin ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa ang pagkakataon at bunga ng pag-unlad.
Tinukoy ni Xi na ang pagsasalungatan at paglalaban-laban sa kasalukuyang daigdig ay maling landas.
Aniya, cold war man o hot war, o digmaan ng kalakalan o digmaan ng siyensiya at teknolohiya, ang resulta nito ay pinsala sa kapakanan ng mga mamamayan ng iba’t ibang bansa.
Diin ni Xi, gumagawa ng mga hakbang ang Tsina na kapaki-pakinabang sa buong sangkatauhan.
Isasagawa aniya ng Tsina ang multilateralismo sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, at ibibigay ang ambag para mapangalagaan ang mundo at isakatuparan ang sustenableng pag-unlad ng buong sangkatauhan.
Salin: Sarah / Lito
Pulido: Rhio