Sa pag-uusap sa telepono nitong Biyernes, Pebrero 19, 2021 nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Retno Marsudi, Ministrong Panlabas ng Indonesia, nagpalitan sila ng kuru-kuro tungkol sa situwasyon ng Myanmar.
Ipinahayag ni Retno na lubos na sinusubaybayan ng Indonesia ang situwasyon ng Myanmar.
Sinabi niya na isusulong ng Indonesia ang pagsasagawa ng konstruktibong pakikipag-ugnayan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Myanmar sa prinsipyo ng di-panghihimasok sa suliraning panloob pra tulungan ang Myanmar sa pagpawi sa kasalukuyang kahirapan at patuloy na mapasulong ang prosesong demokratiko ng bansang ito.
Umaasa rin aniya ang mga bansang ASEAN na gaya ng Indonesia na patuloy na mapapatingkad ng panig Tsino ang konstruktibong papel sa isyung ito.
Ipinahayag naman ni Wang na ang maligalig na situwasyon sa Myanmar ay hindi lamang di-angkop sa kapakanan ng estado at mga mamamayan ng Myanmar, kundi di-angkop sa komong kapakanan ng mga bansa sa rehiyong ito.
Umaasa aniya ang panig Tsino na sa pananaw ng pundamental at pangmalayuang kapakanan ng bansa at nasyon, mapayapang malulutas ng iba’t-ibang panig ng Myanmar ang umiiral na problema sa balangkas ng konstitusyon at batas.
Dagdag pa niya, kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapatingkad ng ASEAN ng karapat-dapat na papel nito sa pagpapahupa ng kasalukuyang maigting na situwasyon sa Myanmar.
Salin: Lito