Palais des Nations, Geneva—Binuksan nitong Lunes, Pebrero 22, 2021 ang Ika-46 na Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Sa kanyang video speech nang araw ring iyon, tinukoy ni António Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN, na ang pagkalat ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo ay nagpapakita ng konektibidad ng iba’t ibang larangan ng sangkatauhan. Aniya, ang di-patas na pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 ay bagong problemang kinakaharap ng buong daigdig.
Saad ni Guterres, hanggang sa kasalukuyan, ang bilang ng mga bakunang ginamit ng 10 bansa ay katumbas ng 75% ng kabuuang bilang ng mga bakuna.
Diin niya, ang patas na distribusyon ng bakuna ay isang aspekto ng pangangalaga sa karapatang pantao, at nagbubulag-bulagan sa karapatang pantao ang vaccine nationalism. Dapat maging pandaigdigang produktong pampubliko ang bakuna, at magsilbi itong abot-kaya para sa lahat ng mga tao.
Salin: Vera