Hangad ng Tsina na makipagpalitan at makipagtulungan sa iba’t ibang panig para mapangalagaan ang biodiversity ng daigdig at walang humpay na makapag-ambag para sa sustenableng pag-unlad ng sangkatauhan.
Ito ang winika ni Wang Wenbin, tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon nitong Miyerkules, Pebrero 24, 2021, kaugnay ng komento ni Inger Andersen, Executive Director ng United Nations Environment Programme (UNEP).
Kinilala ni Andersen ang mga natamong bunga ng Tsina sa pag-aaruga sa ekolohiya na gaya ng pagpapalakas ng proteksyon sa biodiversity sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga batas.
Hinggil dito, sinabi ni Wang na sa kabuuan, mahigit 10 batas at regulasyon sa dibersibidad na biyolohikal ang nailabas ng Tsina.
Kasabay nito, epektibo rin aniyang pinangangalagaan ng Tsina ang 90% ng mga tipo ng panlupang sistemang ekolohikal (terrestrial ecosystem types) at 85% ng mga pangunahing uri ng mailap na hayop.
Saad pa ng tagpagsalitang Tsino, pinahahalagahan ng Tsina ang pakikpagpalitan at pakikipagtulungang pandaigdig sa biodiversity, at buong sikap na tinutupad ang mga may kinalamang tungkulin.
Halimbawa, mas maagang natupad ng Tsina ang mga target para sa taong 2020 bilang tugon sa pagbabago ng klima at pagtatatag ng reserbang pangkalikasan (nature reserve).
Bukod dito, iminungkahi ng Tsina ang pagtatatag ng Belt and Road International Coalition for Green Development at batay rito, nagkaroon ng pagpapalitan at pagtutulungan sa mahigit 100 bansa.
Dagdag pa ng tagapagsalitang Tsino, bilang punong-abala ng Ika-15 Pulong ng Conference of the Parties to the Convention on Biological Diversity, na gaganapin sa Kunming, Tsina, makikipag-usap sa lalong madaling ang Tsina sa iba pang mga panig para sama-samang alagaan ang komong tahanan ng sangkatauhan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio