Papel ng mga babaeng miyembro sa NPC at CPPCC, patuloy na tumitingkad

2021-03-09 16:57:51  CMG
Share with:

Ang Marso 8 ay ang Pandaigdig na Araw ng mga Kababaihan, na kapuwa ipinagdiriwang sa Tsina’t Pilipinas at iba pang bansa sa apat na sulok ng daigdig.

 

Samantala, ang buwan ng Marso ay Buwan ng mga Kababaihan ng Pilipinas. Sa espesyal na pagkakataon, idinaraos din ang taunang sesyon ng punong lehislatura ng Tsina na kung tawagin ay Pambansang Kongresong Bayan (NPC) at kataas-taasang organong tagapayo ng Tsina na tinatawag na Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC).

 

Tungkulin ng mga miyembro ng NPC at CPPCC na ihain ang mga mosyon at mungkahi upang pagdiskusyunan nang sa ganoon ay maipasa bilang mga batas na makakabuti para sa pambansang kaunlaran.

 

Sa artikulong ito, ipapakilala namin sa inyo ang ilang miyembrong babae ng NPC at CPPCC at ibabahagi ang kani-kanilang mungkahi.

 

Si Bb. Liang Qianjuan ay miyembro ng NPC mula sa Longnan, Lalawigang Gansu sa dakong hilaga-kanluran ng Tsina.

 

Matagal na siyang nakikisangkot sa industriya ng e-commerce para ipakilala at ipagbili ang mga katutubong produkto sa pamamagitan ng live-streaming.

 

Bunga nito, naisusulong aniya ang hanap-buhay ng mga babaeng lokal at napapataas ang kita ng mga mamamayan.

 

Dagdag pa ni Liang, kasabay ng pagpapahigpit ng pakikipag-ugnayan ng Tsina sa iba’t ibang bansa, balak din nilang ipamalas sa mga panauhing Tsino at dayuhan ang ekolohiya, turismo, kaugalian ng lokalidad.

 

Si Bb. Yang Rong ay pulis sa isang komunidad sa Taiyuan, punong lunsod ng Lalawigang Shanxi, Tsina.

 

Bilang kinatawan ng NPC, iminungkahi niya sa kanyang mosyon na itatag ang plataporma para i-ugnay ang pangangailangan ng matatanda at suplay ng mga ampuan ng matatanda.

 

Para rito, maaari aniyang itatag ang pambansang database para mainam na maaruga ang mga matanda at mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay.

 

Bilang miyembro ng CPPCC, nakatutok naman ang pansin ni Bb. Song Qing sa pangangalaga sa ekolohiya ng bansa, sa pamamagitan ng batas.

 

Si Song ay dalubhasa sa pag-unlad ng siyudad mula sa Suzhou University of Science and Technology.

 

Tingin ni Song, kailangang kumpletuhin ang mga mekanismo ng kompensasyon at pagsasanggunian bilang tugon sa kapinsalaan sa kapaligirang ekolohikal.

 

Sa pagpapatupad ng tungkulin bilang miyembro ng CPPCC, inihain ni Bb. Yang Yang, Tagapangulo ng Athlete Commission ng 2022 Beijing Olympic Winter Organizing Committee, ang mungkahing may kinalaman sa malusog at sustenableng pag-unlad ng ice sports.

 

Si Yang ang kauna-unahang medalistang ginto ng Tsina sa Winter Olympics.

 

Mungkahi ni Yang, kailangang iwasan ang mga panganib sa paglalaro ng mga ice sports para matiyak ang kaligtasan ng mga sumali sa laro.  

 

Kasabay nito, kailangan ding hikayatin ang mga potensyal na batang atleta upang ituloy ang interes at ensayo sa ice sports.

 

Para rito, nanawagan siyang itatag ang mga magkakasanib na paligsahan sa pagitan ng iba’t ibang may kakayahang siyudad at probinsya.

 

Salin/Edit: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method