Sa pamamagitan ng video link, idinaos Marso 9, 2021, ng Misyong Tsino sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at Misyon ng Pilipinas (bansang tagapagkoordina ng Tsina at ASEAN) ang seremonya ng pagdiriwang ng Ika-30 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN.
Ito rin ang unang aktibidad ng Porum ng Jakarta hinggil sa Relasyon ng Tsina at ASEAN.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Lim Jock Hoi, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, na sa harap ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), dapat lalo pang palakasin ng ASEAN at Tsina ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan.
Ipinahayag naman ni Luo Zhaohui, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa mula’t mula pa’y, priyoridad ng diplomasya ng Tsina ang ASEAN.
Sa hinaharap, dapat aniyang pasulungin ng dalawang panig ang pag-uugnayan at pagtutulungan, at pabilisin ang pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct in the South China Sea (COC).
Ayon naman kay Elizabeth P. Buensuceso, Pangalawang Kalihim sa Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na nitong ilang taong nakalipas, nagtutulungan ang ASEAN at Tsina, at nagresulta ito sa mutuwal na kapakinabangan.
Dapat aniyang patuloy na palakasin ng dalawang panig ang kooperasyon para pataasin ang estratehikong partnership sa bagong antas.
Lumahok sa aktibidad ang mga dalubhasa mula sa Tsina, Pilipinas, Indonesya, Malaysia, Biyetnam, Thailand at iba pang bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio