Great Hall of the People, Beijing—Sa pamamagitan ng mga video link, nakipagtagpo nitong Lunes, Marso 22, 2021 si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga dayuhang kinatawang kalahok sa China Development Forum 2021.
Dumalo rito ang mga namamahalang tauhan ng Top 500 enterprises sa daigdig, mga dalubhasa’t iskolar ng mga kilalang pandaigdigang organo ng akademikong pananaliksik, at mga kinatawan ng mga pangunahing organisasyong pandaigdig.
Saad ni Li, noong isang taon, sa harap ng malubhang epekto ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), naisakatuparan pa rin ng kabuhayang Tsino ang paglago.
Ito aniya ay dahil sa sigasig ng pamumuno ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Aniya, ibayo pang palalawakin ng Tsina ang pagbubukas, at isasakatuparan ang win-win situation, sa pamamagitan ng bidireksyonal at multi-direksyonal na pagbubukas sa iba’t ibang bansa.
Binigyan naman ng mataas na papuri ng mga dayuhang kinatawan ang natamong tagumpay ng Tsina sa pag-unlad.
Anila, ang pagpapalalim ng reporma at pagpapalawak ng pagbubukas ng Tsina ay magbubunsod ng bagong pagkakataon ng pag-unlad.
Salin: Vera
Pulido: Rhio