Kaugnay ng malawakang pagbatikos at pagboykot sa ilang tatak na gaya ng H&M at Nike sa loob ng Tsina, matapos lumabas ang pahayag ng naturang mga dayuhang brands hinggil sa paggamit ng bulak mula sa Xinjiang, sinabi nitong Huwebes, Marso 25, 2021 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na hindi malilinlang ang mga mamamayang Tsino.
Aniya, hinding hindi pahihintulutan ng mga mamamayang Tsino ang patuloy na pakikinabang ng mga dayuhang kumpanya mula sa pamilihang Tsino, habang naghahasik ng mapanirang pananalita at binabahiran ang Tsina.
Diin ni Hua, ang bulak na ipinoprodyus sa Rehiyong Awtonomo ng Xinjiang ay isa sa mga pinakade-kalidad na bulak sa daigdig, at makakapinsala lang sa sariling kapakanan ang hindi paggamit ng mga kaukulang kompanya ng bulak ng Xinjiang.
Dagdag niya, ang akusasyong di-umano’y may “sapilitang pagtatrabaho” sa Xinjiang ay kasinungalingang tikis na niluto ng iilang puwersa kontra Tsina, at layon nitong dungisan ang imahe ng Tsina, sirain ang seguridad at katatagan ng Xinjiang, at hadlangan ang pag-unlad ng Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Mac