Mula alas otso y media hanggang alas nuwebe y media ngayong gabi, Marso 27, 2021, muling magkakaisa at magbubuklud-buklod ang maraming komunidad, industriya, pamahalaan, at iba't-ibang mamamayan ng buong mundo upang idaos ang Earth Hour 2021.
Mula noong 2007, ang pagpatay ng mga ilaw tuwing Earth Hour ay nagresulta sa pagdilim ng maraming kalye, gusali, importanteng lugar, at maging ng mga lunsod – isang kaganapang nakapagpataas ng kamalayang pampubliko hinggil sa pagtitipid ng enerhiya at pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.
Dahil sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ang Earth Hour 2021 ay isang mahalagang kaganapan para sa ating lahat, dahil hindi lamang nito binibigyang-diin ang mga panganib na dulot ng pagpapabaya sa kapaligiran at kalikasan, kundi, ipinapakita rin nito ang walang-kapantay na halaga ng pagpapanibago ng kalikasan.
Kaya naman, kabilang sa mga isinusulong ng Earth Hour ngayong taon ay: pagpapataas ng kamalayan sa usaping pangkapaligiran, papel na maaaring gampanan ng mga mamamayan sa pag-iwas sa krisis, at pagpo-promote ng kaalaman hinggil sa Ika-15 Pulong ng Conference of the Parties (COP-15) to the Convention on Biological Diversity (CBD) ng United Nations (UN), na idaraos May 17, 2021 sa lunsod Kunming, lalawigang Yunnan, dakong timog ng Tsina.
Sa gitna ng mga hamon at aral na dulot ng pandemiya , iminumungkahi ng pandaigdig na lupong tagapag-organisa ng Earth Hour na idaos ngayong taon, sa pangalawang pagkakataon ang Earth Hour sa digital na pamamaraan.
COP-15
Ang taong 2021 ay nagsisilbing pambihirang oportunidad para sa mga lider ng daigdig na pasulungin ang pagkilos.
Sa gaganaping Pulong ng COP-15 CBD na nagtatampok sa kalagayan ng kalikasan at biodiversity, magtitipun-tipon ang mga lider ng daigdig para hubugin ang pandaigdig na plano para sa susunod na 10 taon.
Ang mga gagawing desisyon ay inaasahang makakaapekto hindi lamang sa susunod na dekada, kundi sa ating kinabukasan sa mas marami pang taon.
Sa idaraos na pulong, nakatakdang suriin ang mga bunga at paraan ng pag-implementa ng Strategic Plan for Biodiversity 2011-2020, inaasahang mailalabas ang pinal na desisyon hinggil sa post-2020 global biodiversity framework, at inaasahang darating ang desisyon sa capacity building at desisyon sa resource mobilization.
Bukod pa riyan, nakapaloob din sa tinaguriang “zero draft” ng post-2020 Global Biodiversity Framework ang pagbibigay-kontribusyon ng mga gawain ng biodiversity sa usapin ng nutrisyon, seguridad sa pagkain, at pagkakaroon ng ikabubuhay ng mga tao, lalo na ng mahihirap.
Sa pamamagitan ng sapat na suporta at kaalaman ng publiko, ang COP-15 CBD ay maaaring maging pagkakaton kung saan, makamtan ang isang internasyonal na commitment na pirmado ng mga lider ng mundo upang wakasan ang pagsira sa kalikasan at ilagay ang ating planeta sa landas ng paggaling sa taong 2030.
Mga tip sa pangangalaga ng kapaligiran
Ang mga inisyatibang tulad ng Earth Hour ay may mahalagang papel sa pagbibigay-kamalayan sa mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng kapaligiran at kalikasan at mabilis na aksyon upang maihandog ang isang berde at sustenableng mundo.
· Kaya naman, ang unang-una at pinakamahalagang hakbang ay pakikisangkot sa Earth Hour 2021.
Para rito, nananawagan po ang inyong lingkod sa mga:
Indibiduwal/Boluntaryo
Komunidad/Non-government Organization (NGO)
Paaralan
Negosyo
Pamahalaan
Inaanyayahan namin kayong sumali at magpatay ng ilaw mula 8:30pm hanggang 9:30pm, mamayang gabi (Marso 27, 2021) upang makiisa sa pandaidigang kilos tungo sa pangangalaga at pagpapanibago ng kalikasan.
· Ikalawa, paliitin ang indibiduwal na carbon footprint sa pamamagitan ng paglalakad, pagbibisikleta, pagtangkilik sa mga sasakyang pinatatakbo ng berdeng enerhiya, at pagsakay sa mga pampublikong transportasyon.
Pero, sa panahong kumakalat pa rin sa Pilipinas at maraming bahagi ng mundo ang COVID-19, sundin po ninyo ang Minimum Public Health Standards Advocacy Campaign ng pamahalaan na kinabibilangan ng pagmamaskara, paghuhugas ng kamay, at pagsunod sa pisikal na distansya, na tinaguriang “Mask, Hugas, Iwas.”
Kasabay nito, ang paglalakad at pagbibisikleta ay mga napakaganda pa ring alternatibo ng transportasyon – malaking tulong sa pangangalaga ng kapaligiran, pampalakas ng katawan, at mabisang pananggalang sa COVID-19.
· Ikatlo, isarado o bunutin sa pagkakasaksak ang mga elektrikal na kagamitang di-ginagamit.
Sa pamamagitan nito, makakatipid na kayo sa enerhiya, mababawasan pa ang bayarin sa koryente.
· Ikaapat, pangalagaan ang mga puno at huwag mag-aksaya ng papel.
Hanggat maaari ay gumamit ng resikladong papel, at laging tandan, ilagay ang “settings” ng inyong printer sa bahay, eskuwela at trabaho sa “two-sided.”
· Ikalima, tanggihan ang ibinibigay na plastik bag sa mga supermarket o anumang tindahan.
Huwag nang kunin ang single-use plastic bag na ibinibigay ng tindero/tindera sa mga convenience store, at kung pupunta naman sa supermarket, mas magandang magdala ng sariling reusable na bag.
Malaking tulong ito sa pagbabawas ng mga basurang napupunta sa mga daluyan ng tubig.
Sa pamamagitan ng kaunting displina, malayo ang mararating.
· Ika-anim, bilhin lamang kung ano ang kailangan at iwasan ang pag-aaksaya.
Kapag hindi natin nakakain ang mga pinamimili, hindi lamang ito pag-aaksaya ng pagkain; ito rin ay pag-aaksaya ng mahalagang yaman at pagsira ng kapaligiran sa pamamgitan ng basurang ating itinatapon.
· Ikapito, ipagsabi sa inyong mga kaibigan, kamag-anakan, at lahat ng kakilala, na makisangkot sa Earth Hour 2021.
Sa pamamagitan nito, mas maraming tao ang makakasali sa pangangalaga at pagpapanibago ng kalikasan.
Maikling kasaysayan
Sa pagtataguyod ng World Wildlife Fund (WWF), sinimulan ang Earth Hour noong 2007 sa Sydney, Australia, sa pamamagitan ng simbolikong pagpatay ng ilaw sa loob ng isang oras.
Ito ay ginaganap tuwing huling Sabado ng Marso (local time), taun-taon, Ang Earth Hour ay isa na ngayong global sustainability movement na nilalahukan ng milyun-milyong katao mula sa mahigit 180 bansa’t rehiyon ng daigdig, sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw bilang suporta sa ating planetang mundo.
Pero, ang Earth Hour ay higit pa sa pagpatay ng ilaw.
Sa kasalukuyan, ito ay isa sa mga pinakamalawak na kilusan sa pagpapataas ng kamalayan at paghihikayat ng kilos hinggil sa pangangalaga sa kalikasan sa buong daigdig upang ipakita ang pagkalinga sa ating planeta – ang ating komong tahanan.
SM China, akitibong nakikisangkot sa Earth Hour
Bilang isang aktibong tagapagtaguyod ng Earth Hour, 11 taon nang nakikisangkot ang SM China Supermalls sa aktibidad na ito.
Inaanyahan din ng pitong sangay ng SM China sa Xiamen, Quanzhou, Chengdu, Chongqing, Suzhou, Zibo at Tianjian ang mga mamamayang Pilipino at Tsino na sumali sa kanilang pagpataw ng mga ilaw alas 8:30 mamayang gabi, para magkasamang protektahan ang platenang mundo.
Abangan din po ninyo ang iba pang mga aktibidad ng SM China para mapangalagaan ang kapaligiran at kalikasan.
Artikulo: Rhio Zablan
Script-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Source:Sarah/Jade
Espesyal na pasasalamat kay Vera, at SM China