Dumating gabi ng Marso 30, 2021, sa Islamabad, punong lunsod ng Pakistan, ang bakuna kontra Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng CanSino Biologics Inc (CanSinoBIO) ng Tsina.
Ang CanSinoBIO ay ikalawang tatak ng bakuna ng Tsina na inaprobahan ng Pakistan para sa pangkagipitang paggamit.
Ito ay single dose na bakuna, na makakatulong sa mabilis na pagkakaroon ng Pakistan ng immunological barrier, at pagpapanumbalik sa normal ng kabuhayan at lipunan sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan, kumakalat sa Pakistan ang ikatlong wave na COVID-19. Ayon sa datos ng Ministri ng Kalusugan, Marso 30, umabot sa 4,084 ang kabuuang bilang ng naitalang bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Samantala, 14,356 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw sa bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Mac