Sa pagkikipagusap sa telepono Abril 7, 2021 kay Luvsannamsrai Oyun-Erdene, Punong Ministro ng Mongolia, positibong pinahalagahan ni Li Keqiang, Premyer ng Tsina, ang relasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Li na nakahanda ang Tsinang patuloy na panatilihin ang estratehikong pakikipagkoordinasyon sa Mongolia; at palalalimin ang aktuwal na kooperasyon ng dalawang bansa, lalung-lalo na, sa larangan ng paglaban ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Aniya pa, nakahandang makipagtulungan ang Tsina sa Mongolia upang pangangalagaan ang kapaligiran, kontrolin ang pagiging disyerto ng maraming lugar at iba pang larangan.
Samantala, ipinahayag naman ni Erdene na palagiang nagsisikap ang Mongolia para paunlarin ang pangmalayuan at mabuting relasyong pangkapitbansa sa Tsina.
Nakahanda aniya ang Mongolia na patuloy na palalimin ang aktuwal na pakikipagkooperasyon sa Tsina sa iba’t ibang larangan, at walang humpay na pasaganain ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio