Kaugnay ng pormal na kapasiyahan ng pamahalaang Hapones na itapon sa dagat ang radioactive wastewater ng Fukushima Daiichi nuclear power plant, iniharap nitong Miyerkules, Abril 14, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang tatlong tanong sa panig Hapones: una, totoo bang pinakikinggan ng panig Hapones ang saloobin at pagkabalisa ng ibang bansa? Ika-2, umaangkop ba sa pandaigdigang batas ang ganitong aksyon ng Hapon? At ika-3, umaayon ba sa pandaigdigang pamantayan ang itatapong nuclear wastewater ng panig Hapones?
Hinggil sa permiso ng Amerika sa naturang kapasiyahan, ipinagdiinan ni Zhao na ang permiso ng Amerika ay hindi kumakatawan sa permiso ng komunidad ng daigdig.
Aniya, kung pahahalagahan ng panig Amerikano ang isyu ng kapaligiran, dapat aktuwal na isabalikat ang kaukulang responsibilidad.
Batay sa pananaw ng pangangalaga sa kapaligirang pandagat at kalusugan at seguridad ng sangkatauhan, hinimok ni Zhao ang panig Amerikano na maingat na hawakan ang radioactive wastewater, batay sa matapat, siyentipiko at responsableng atityud.
Pagkaraang ipasiya ng pamahalaang Hapones ang pagtatapon ng radioactive wastewater nitong Martes, ipinatawag ng panig Timog Koreano ang embahador ng Hapon bilang solemnang protesta.
Inihayag naman ng Rusya ang malubhang pagkabahala dito, at sinabi nitong dapat ipakita ng panig Hapones ang transparency at responsableng pakikitungo.
Sinabi ng tagapagsalita ng Unyong Europeo (EU) na dapat igarantiya ng Hapon ang kumpletong seguridad ng anumang bagay na itatapon nito, sa ilalim ng kondisyon ng lubos na pagsasabalikat ng lahat ng obligasyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio