Sa pagdating ni Fernando Magallanes, ang isla ng Mactan ay tahanan ng hindi lamang isa, kundi ilang barangay.
May barangay na kung tawagin ay Bulaia o Bulillla o Buaia, may barangay Opon, at may tatlong iba pang hindi napangalanan sa opisyal na ulat ng bigong ekspedisyon ni Magallanes noong 1521.
Isa sa mga hindi napangalanang barangay ay pinamunuan ni Sula.
Samantala, ang barangay Opon, na nasa gawing timogkanluran ng Mactan ay pinamunuan ni Lapulapu.
Maliban kay Sula, lahat ng mga datu ng Mactan ay kaalyado o napapailalim sa pamumuno ni Lapulapu, kaya siya ang kinikilalang pinakamataas na pinuno ng isla ng Mactan.
Ayon sa matandang alamat ng Opon, may ilang kasamahan si Lapulapu na tulad nina Bali-alho, Kambakilig, Tindok-Bukid [datu ng Maragondon, isang kalapit barangay], Umindig mula sa barangay Ibo, Sagpang Baha o Sampung Baha at Bugto Pasan.
Posibleng sila ay mga kamag-anakan ni Lapulapu.
Samakatuwid, malaking posibilidad na totoong ikinonsidera ni Lapulapu, na magpailalim sa hari ng Espanya, dahil ito ay isang benepisyal na hakbang tungo sa pagsusulong ng kanyang personal na layunin.
Sa kabilang dako, hindi siya nasindak magpakita ng pagtutol sa pagkilala kay Humabon bilang pinakamataas na pinuno ng Cebu at Mactan, dahil si Humabon ay may mas mababang katayuan kumpara sa kanya.
Higit sa lahat, hindi maaaring pumayag si Lapulapu na magbayad ng alay o tributo kay Humabon dahil ito ay magiging daan upang gumuho ang kanyang posisyon bilang pinakamataas na pinuno ng Mactan at mga nakapaligid na isla.
“Nang pilitin ni Magallanes si Lapulapu na kilalanin si Humabon bilang kanyang nakakataas, sinabi ni Lapulapu na hindi siya maaaring magbigay-galang at magpailalim sa taong kanya nang pinamumunuan sa loob ng mahabang panahon,” paliwanag ni Scott.
Dahil sa pagsuway ni Lapulapu, pinakawalan ni Magallanes ang kanyang mga tauhan sa mga mamamayang ng Mactan.
Ani Pigafetta, “sinunog namin ang isang barangay dahil ayaw magpasakop ng mga taga-rito sa hari [hari ng Espanya] at sa amin. Tapos, itinayo namin ang isang krus dahil ang mga tao roon ay mga hentil [gentiles]; kung sila ay mga Muslim, isang poste ang itatayo namin bilang tanda ng katigasan ng puso, dahil mas mahirap baligtarin ang paniniwala ng mga Muslim kaysa sa mga hentil.”
Dagdag pa riyan, may mga ulat na tulad ng kay Gines de Mafra na nagsasabing dalawang beses sinalakay ng mga Espanyol ang Mactan, at di-kukulangin sa dalawang barangay ang nawasak.
Samantala, may iba pang ulat, partikular ang mga ini-akdang halos kasabay ng mga naturang pangyayari, na nagbibigay-liwanag sa usaping ito.
Ang kagustuhan ni Magallanes na pasunurin si Lapulapu sa hari ng Espanya at kay Humabon ay hindi lamang para pahiyain siya, higit sa lahat, ito ay para patawan ng mabigat na pasanin ang ekonomiya ng Mactan sa pamamagitan ng mga alay o tributo.
Sinabi ni Francisco Lopez de Gomara, tagatalang Espanyol noong ikalabing-anim na siglo, na humiling ng maraming produkto si Magallanes mula sa mga datu.
Siyempre, tinanggap ni Humabon ang naturang kahilingan, at bukod pa riyan, ipinangako niya sa hari ng Espanya ang isang malaking diyamante.
Samantala, dalawang iba pang datu ang sumang-ayon, pero mayroong dalawa na sumalungat dito, at kabilang sa mga sumalungat si Lapulapu.
Ayon kay Gomara, sinabi ni Lapulapu na “hindi siya magpapasailalim sa taong hindi niya kilala, maging kay Humabon.”
Sa manuskrito ng isang Genoese Pilot, nakasaad na hiniling ni Magallanes sa bawat datu na magbigay ng 3 kambing, 3 baboy, 3 karga ng bigas, 3 karga ng millet, at iba pang probisyon.
Hinggil dito, daglian at diretso ang sagot ni Lapulapu.
“Sa tatlong mga hinihiling, walang pagtutol na ibibigay niya ang dalawa, at kung kuntento rito si Magallanes, agaran niya itong makakamtan. Kung hindi, ipapadala ni Lapulapu ang anumang kanyang naisin,” saad ng Genoese Pilot.
Binigyang-diin ni Lapulapu, na hinding-hindi niya susundin ang lahat ng hiling ni Magallanes.
Pero sa kabila nito, ipinahiwatig naman niyang handa niyang tulungan ang mga Espanyol, ayon sa kanyang kagustuhan.
Para kay Lapulapu, ang ganap na pagsunod sa kagustuhan ni Magallanes ay katumbas ng submisyon sa hari ng Espanya at pagtanggap kay Humabon bilang kanyang pinuno.
Kaya naman, ang ganap na pagsunod sa naturang kahilingan ay hindi isang opsyon.
Alinsunod sa naturang mga katotohanan, si Lapulapu ay hindi lamang isang matapang na lider, higit sa lahat, siya ay isang matalinong estratehista at diplomatang kayang umintimida sa kahit isang beteranong katunggali.
Dahil dito, nag-uumapoy sa galit si Magallanes.
Abril 27, 1521, isang mensahero ang muling ipinadala ni Magallanes kay Lapulapu, na nagpahayag ng isang mariing babalang sasalakay ang mga Espanyol kung hindi siya susunod sa mga kahilingan.
Sa kanyang sagot, muling tinanggihan ni Lapulapu ang hiling, at sinabing, “hihintayin namin ang inyong pagsalakay.”
Ang reaksyon ni Magallanes ay naitala ni Fernandez Navarette; at aniya, “Sa kanyang galit sa sagot ni Lapulapu, inihanda ni Magallanes ang tatlong bateles at 60 sundalo, na pinaniniwalaan niyang sapat na upang gapihin ang mga katutubong mandirigma. Ito ay ginawa niya kahit walang konsultasyon kay Humabon at binalewala pa niya ang payo ni Juan Serrano, na huwag lumunsad sa isang gawaing delikado, walang papupuntahan, at nakakatakot.”
Nang malaman ni Humabon na sasalakayin ng mga Espanyol si Lapulapu, daglian niyang inihanda ang nasa isang libong mandirigma at sumama kay Magallanes patungong Mactan.
Ang makatuwirang digmaan ni Magallanes
Ayon sa paliwanag ni Gerona, maluwag na tinanggap ni Magallanes ang desisyon ni Lapulapu para sa direktang digmaan, dahil ito ang pinakahihintay niyang pagkakataon upang mapatunayan ang matagal na niyang ipinagyayabang na superyor ang armas at kakayahan sa pakikipaglaban ng mga Espanyol.
Pero, may problema: bago magawang makipagdigma ni Magallanes sa mga puwersa ni Lapulapu, kailangang mayroon siyang “matibay na legal at moral na kadahilanan.”
Kung wala, malaking posibilidad na isasailalim siya sa kriminal na pag-uusig sa sandaling bumalik siya sa Espanya.
Ang kaisa-isang bagay na maaaring magbigay-katuwiran sa paglulunsad ng digmaan ay kung ito ay ginawa sa ngalan ng simbahang Katoliko – kilala rin bilang “makatuwirang digmaan.”
Kaugnay nito, may mga bali-balita na Muslim di-umano si Lapulapu.
Kaya naman, kahit walang ebidensiya at matibay na batayan, ito ang ginamit na dahilan ni Magallanes upang pakawalan sa mga mamamayang ng Mactan ang kanyang mga tauhan.
Simula ng labanan
Kasama ang 60 armadong tauhan, naglayag si Magallanes patungong Mactan upang harapin si Lapulapu at kanyang mga kapanalig.
“Naglayag kami mula sa Zubu [Cebu] mga magha-hating-gabi, kami ay 60 kataong armado ng corselet at nakasuot ng helmet [baluti],” saad ni Pigafetta.
Si Magallanes ay isang taong mainitin ang ulo, at dahil sinuway ni Lapulapu ang kanyang kagustuhan, nasaktan ang kanyang damdamin at ang labang ito ay personal.
Sa katotohuanan, ang mga sundalong ipinagyayabang ni Magallanes ay hindi handa sa labanan, walang karanasan sa tunay na digmaan, mababa ang morale, pagod sa mahabang biyahe mula Espanya, at pinuputakti ng iba’t-ibang sakit.
Kasama ng puwersa ni Magallanes ang mga nasa isanlibong mandirigma ni Humabon Tupas, at Sula, na nakasakay sa 20 hanggang 30 Balangay.
Nang alukin ng tulong ni Humabon si Magallanes, ito ay tumanggi.
Ani Magallanes, isinama niya si Humabon at kanyang mga tauhan hindi upang makipaglaban, kundi upang saksihan ang katapangan at kakayahan sa pakikipagdigma ng mga Espanyol.
Bukod dito, ipinagyabang pa ni Magallanes na isa sa kanyang mga tauhan ay katumbas ng isandaan sa mga mandirigma ng Mactan.
Hindi nagtagal ay dumating ang puwersa nina Magallanes at Humabon sa destinasyon, mga tatlong oras bago magbukang-liwayway [mga alas dos ng umaga].
Sa ilalim ng liwanag ng buwan, malaking posibilidad na kitang-kita ng mga mandirigma ng Mactan ang pagdating ng mga Balangay na puno ng mga sundalo nina Magallanes at Humabon.
Samantala, inaasahan ni Lapulapu ang pagsalakay kaya estratehiko niyang ipinosisyon sa dalampasigan ang kanyang mga tauhan.
Tungkol dito, sinabi ni Pigafetta, na naghukay ng mga butas na nilagyan ng mga tulos ang mga mandirigma ng Mactan sa gawing dalampasigan, at ang mga ito ay nagsilbing patibong – isang karaniwang estratehiya sa pakikidigma ng mga sinaunang Bisaya.
Samantala, ang pagsikat ng unang sinag ng araw ay ang naging simula ng labanan.
Ayon kay Pigafetta, “Tumalon kami sa tubig na hanggang hita ang lalim, at dahil sa babaw ng tubig at mga nagkalat na bato, hindi makalapit sa dalampasigan ang aming mga bangka.”
Ang natural na katangian ng dalampasigang pinagbabaan ng mga Espanyol ay matalik na kaibigan ni Lapulapu, at pinakamasamang kaaway naman ni Magallanes dahil ito ay napakagaspang at puno ng mga kabibi – samakatuwid, hindi ideyal na lugar upang ilunsad ang isang pagsalakay.
Dagdag pa riyan, katulad ng nakasulat sa halos lahat ng aklat pangkasaysayan, mababa ang tubig o low tide noong panahong umatake si Magallanes, kaya tinatayang mga mahigit isang milya ang nilakad niya at kanyang mga tauhan bago marating ang pampang.
Pinaniniwalaang inenganyo ni Lapulapu si Magallanes na sumalakay sa panahong ito.
Ayon kay Pigafetta, sa 60 sundalo, 49 lamang ang sumalakay dahil kailangang bantayan ng natitirang 11 ang mga bangkang naiwan.
Sa kabilang dako, may mga magkasalungat na tala ang mga Espanyol kaugnay ng eksaktong bilang ng mga mandirigma ng Mactan na naghihintay sa dalampasigan.
Sabi ng Genoese Pilot, may mga 3 hanggang 4 na libong mandirigma ang Mactan.
Pero, ayon kay Pigafetta, “isanlibo limangdaan” lamang ang mga mandirigma ng Mactan – isang mas realistikong bilang alinsunod sa demograpikong kompigurasyon ng malalaking pamayanan sa panahong iyon.
Hinggil dito, sinabi ni Gerona, na isang katanggap-tanggap na historikal na katotohanan, na ang mga katutubong pamayanang natagpuan ng mga Espanyol ay binububo lamang ng mga 30 hanggang 100 kabahayan o nasa humigit-kumulang sa 200 hanggang 500 katao.
Batay sa estimasyon ni Pigafetta, umanib kay Lapulapu ang mga mandirigma mula sa 3 hanggang 4 na barangay ng Mactan.
Sa kabila ng mas maraming bilang ng mga mandirigma ng Mactan, nagawa pa ring maliitin sila ni Magallanes.
Aniya, “Halos lahat ng kanilang mga sandata ay gawa sa tambo [malamang rattan at kawayan] at kahoy na pinatigas gamit ang apoy.”
Pero, katulad ng unang nabanggit, si Lapulapu ay napakahusay sa sining ng pakikipagdigma at isang beteranong kumander sa pakikipaglaban.
Nang makita ni Magallanes ang nakakamanghang pormasyon ng mga mandirigma ng Mactan sa dalampasigan, malaking posibilidad na napagtanto niyang nagkamali siya sa paglulunsad ng pagsalakay at upang hindi panghinaan ng loob ang kanyang mga sundalo, nagpahayag siya ng mga insulto laban sa mga mandirigma ni Lapulapu.
Isa pang posibilidad ay; sinadyang ipakita ni Lapulapu na ang mga sandata ng kanyang mga mandirigma ay gawa lamang sa “rattan o kawayan at kahoy na pinatigas gamit ang apoy” upang maging kampante, at magbaba ng depensa si Magallanes.
Dagdag pa rito, sa kanyang aklat na pinamagatang A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos, sinabi ni Luis H. Francia, na tinanggihan ni Magallanes ang alok na tulong ni Humabon sa pagsalakay, at sa halip ay ipinagmayabang pa niyang ang mga kanyon ng kanyang mga barko ay mas malalaki at mas malakas kaysa sa mga lantaka ni Lapulapu.
Pero, ang pag-uusap na ito ay nangyari bago ang labanan, at walang anumang tala mula sa mga Espanyol ang nagsasabing mayroong lantaka o mga baril ang kampo ni Lapulapu.
Magkagayunman, batay sa kinalabasan ng Labanan ng Mactan, ang pangmamaliit ni Magallanes sa mga mandirigma ni Lapulapu ay hindi isang magandang ideya.
Mga armamento
Base sa imbentaryo ng mga armamento ng ekspedisyon ni Magallanes, malaki ang kanyang bentaheng taktikal sa pangmalayuan at posisyonal na labanan sa pamamagitan ng malalakas na kanyon at barko.
Ayon sa opisyal na tala mula sa Espanya, nasa mga kamay ni Magallanes ang pinakamalalakas na artileriya ng kanyang panahon, gaya ng 58 culverin, 7 falcones, 8 malalaking kanyong lombardy, 8 kanyong idinisenyo sa pagwasak ng makakapal na pader, iba’t-ibang uri ng baril, at marami pang iba.
Pero, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, hindi dinala ni Magallanes ang kanyang mga barko at kanyon sa labanan, na ayon kay Antonio de Brito, ay nakaposisyon mga 2 leguas (mga 8 kilometro) ang layo mula sa lugar ng labanan.
Ayon sa mga historyador, may tatlong posibleng dahilan:
Para sa personal na depensa, ang mga kawal ni Magallanes ay nakasuot ng pinakamodernong baluti ng kanilang panahon.
Bukod dito, mayroon din silang espada (malamang pangmilitar na sable o military sabre), mahabang sibat o lance, mas maikling sibat o javelin, harpoon, crossbow, baril na arquebus at marami pang iba.
Sa kabila ng bentahe sa numero ng kampo ni Lapulapu, ang labanan ay patas lamang dahil sa dami ng makabagong kagamitang pandigma ng mga kawal ni Magallanes.
Samantala, walang opisyal na tala kung ano ang mga ginamit na armamento ng mga mandirigma ng Mactan, pero, base sa analisasyon ng labanan, ang mga kawal ni Lapulapu ay gumamit ng espada (malamang Kris, Kampilan at iba pang uri ng sundang), bangkaw, sibat na gawa sa kawayan, sumpit na may-lason, pana na binabalahan ng may-lasong palaso, at kalasag na gawa sa kahoy.
May-akda: Rhio M. Zablan
Web Editor: Lito