Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu

2021-04-27 10:42:30  CMG
Share with:

 

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_176319362_4524586700935298_169272858904832432_n_副本

 

Sa ilalim ng temang“Tagumpay at Humanidad,”ang iba't ibang aktibidad ang idinaos ngayong araw, Abril 27, 2021 sa Lapulapu Shrine, lunsod ng Lapu-Lapu, Cebu,  bilang pagdiriwang sa Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ni Lapulapu sa Labanan ng Mactan.

 

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_174817668_4524586467601988_5993815365295285099_n_副本

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_176098795_4524586517601983_5104262180030431492_n_副本

 

Sa kanyang pre-recorded na talumpati na inilabas sa naturang selebrasyon, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sa okasyong ito, ginugunita hindi lamang ang katapangan ng mga ninunong Pilipino bago masakop ng mga kolonyalista ang bansa, kundi ang mga makabagong bayani rin na kinabibilangan ng mga tauhang medikal at pangunahin o essential frontliners sa gitna ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Inilarawan ni Duterte ang naturang mga bagong bayani bilang karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu.

 

Nanawagan din siya sa sambayanang Pilipino na magkaisa para mapanaigan ang pandemiya, sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa mga nakaraan at makabagong bayani.

 

Noong 2018, sa ilalim ng Republic Act 11040 na isinabatas ni Pangulong Duterte, idineklara ang Abril 27 bilang Araw ng Lapulapu o Adlaw ni Lapulapu.

 

Para balik-tanawin ang kasaysayan sa Mactan 500 taon ang nakaraan at ang labanan sa pagitan nina Lapulapu at Fernando de Magallanes, narito ang link ng artikulong pinamagatang Ang Hepe ng Opon na sinulat ni Rhio Zablan, mamamahayag ng China Media Group Filipino Service. 

 

Mababasa rin ninyo ang artikulo at audio version nito sa ibaba. 

 

Ang Hepe ng Opon

 

 

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_微信图片_20210429160446

 

Sa pagdating ni Fernando Magallanes, ang isla ng Mactan ay tahanan ng hindi lamang isa, kundi ilang barangay.

 

May barangay na kung tawagin ay Bulaia o Bulillla o Buaia, may barangay Opon, at may tatlong iba pang hindi napangalanan sa opisyal na ulat ng bigong ekspedisyon ni Magallanes noong 1521.

 

Isa sa mga hindi napangalanang barangay ay pinamunuan ni Sula.

 

Samantala, ang barangay Opon, na nasa gawing timogkanluran ng Mactan ay pinamunuan ni Lapulapu.

 

Maliban kay Sula, lahat ng mga datu ng Mactan ay kaalyado o napapailalim sa pamumuno ni Lapulapu, kaya siya ang kinikilalang pinakamataas na pinuno ng isla ng Mactan.

 

Ayon sa matandang alamat ng Opon, may ilang kasamahan si Lapulapu na tulad nina Bali-alho, Kambakilig, Tindok-Bukid [datu ng Maragondon, isang kalapit barangay], Umindig mula sa barangay Ibo, Sagpang Baha o Sampung Baha at Bugto Pasan.

 

Posibleng sila ay mga kamag-anakan ni Lapulapu.

 

Lapulapu, sa likod ng alamat

 

Saliwa sa paniniwala at imahenasyon ng nakararaming Pilipino, ang Lapulapu na kinikilalang bayani ng Labanan ng Mactan noong Abril 27, 1521 ay hindi bata at matipunong mandirigma, bagkus, siya ay isang matanda at matalinong estratehistang bihasa sa larangan ng digmaan.

 

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_微信图片_202104291604461

 

Base sa kanyang mga panayam sa mga nakaligtas sa eskpedisyon ni Magallanes, inilarawan ng Portugues na historyador na si Gaspar Correa ang hitsura ni Lapulapu sa panahon ng pagdating ni Magallanes sa Cebu.

 

Ayon kay Correa, “si Lapulapu ay matanda, malamang nasa edad 70 anyos.”

 

Pero hinog man sa gulang, niliwanag ni Antonio Pigafetta, punong tagatala ni Fernando Magallanes ang kasikatan ni Lapulapu, kumpara sa iba pang lokal na pinuno ng Mactan at Cebu.

 

Aniya, “Ang pinakamalapit na isla ay tinatawag na Mauthan [Mactan], ang hari nito ay may nakararaming sundalo at sandata kumpara sa iba.”

 

Ang impresyong ito ay sinuportahan ng isa pang tagatalang Espanyol na si Fernandez de Oviedo, at ayon sa kanya, si Lapulapu “ay hari o pinunong kinikilala dahil sa kanyang galing sa sining ng digmaan, at napakamakapangyarihan kumpara sa iba pang mamamayan.”

 

Sa kanya namang aklat na pinamagatang“Ferdinand Magellan: The Armada de Maluco and the European Discovery of the Philippines,” ipinaliwanag ni Danilo Madrid Gerona na si Lapulapu ay iginagalang, kinatatakutan at kinikilalang pinuno, hindi lamang ng kanyang mga nasasakupan, kundi ng iba pang mga datu mula sa iba pang barangay at isla.

 

Ika-500 Anibersaryo ng Tagumpay ng Mactan, ginugunita; mga frontliner laban sa COVID-19, karapat-dapat na tagapamana ng legasiya ni Lapulapu_fororder_微信图片_202104291604464

 

Maliban sa mga ito, ang mga kaalaman hinggil kay Lapulapu ay nagmula lamang sa mga kuwentong bayan at alamat.

 

Kaya naman, ang tunay na pagkatao ni Lapulapu, ang hepe ng barangay Opon at kinikilalang pinakamataas na pinuno ng Mactan ay nananatiling isang talinghaga magpahanggang ngayon.

 

Pero, hindi ba nakakapagtaka, na ang pinuno ng isang barangay sa isla ng Mactan ay kinikilala, iginagalang at kinatatakutan ng ibang datu mula sa mga karatig barangay at maging mula sa iba pang nakapaligid na isla?

 

Bakit?

 

Ayon kay Gerona, may mga dokumentong nagpapatunay na sangkot si Lapulapu sa“pamimirata at pakikidigma” noong kanyang kabataan, at ito ang dahilan kung bakit siya kinikilala, iginagalang at kinatatakutan.

 

Pero, bago tayo tumuloy sa usapang iyan, suriin muna natin kung ano ba ang kahulugan ng “pamimirata at pakikidigma” sa buhay at lipunan ng mga sinaunang nanirahan sa bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas.

 

Sa kanyang aklat na Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society sinabi ni William Henry Scott, na ang mga mandirigma ay may mataas na katayuan sa lipunang Bisaya, at bilang pagpapakilala sa kanilang giting, tinatatoan nila ang kanilang mga katawan – mas maraming tato, mas mataas ang pagkilala ng lipunan.

 

Pintados ang tawag sa kanila ng mga Espanyol, ani Scott.

 

Paliwanag pa niya, iyong mga aktuwal na nakilahok sa labanan at nakapaslang ng mga kalaban ay nagsusuot ng bahag na kulay pula.

 

Pula ang kulay ng mga Bagani, mga mandirigmang kinatatakutan sa labanan dahil sa kanilang kakayahan at tapang.

 

Bilang simbolo na ang isang Bagani ay nakapatay ng katunggali sa labanan, siya ay nagsusuot ng putong na kulay pula.

 

“Ang mga kalalakihang nakapatay ng pito pataas ay maaaring magsuot ng  espesyal na bahag at putong na gawa sa materyal na may disenyong guhit,” saad pa ni Scott.

 

Ayon naman sa Augustinianong pari na si  Rodrigo Aganduru Moriz, na may malawak na kaalaman hinggil Cebu, sa mga unang dako ng Katolisasyon nito, “Sa lugar na iyon,  tinitingala ng mga katutubo ang matatapang na lalaki at maging ang kanilang mga pinuno ay mga pirata. Inaalay nila ang kanilang buong buhay sa karagatan bilang mga pirata, at sa kalupaan bilang mga mandarambong, kaya sa kadahilanang ito, bilang mga sanay sa palagiang pakikidigma, sila ay mga kalalakihang walang kinatatakutan at hindi kailangang magtrabaho, kapuwa sa kanilang tahanan at barangay.”

 

Si Lapulapu ay pinuno ng barangay Opon, kanyang punong-himpilan sa isla ng Mactan, at malaking posibilidad na ang pangalang ito ay nagmula sa mga salitang Opang o Opol.

 

Ayon sa Diksyunaryong Mentrida (ika-17 siglo), ang Opang ay nangangahulugang “paggawa ng kalaban o pakikipag-away,” samantalang ang Opol naman ay “pagbarikada sa kalsada o daan sa ilog sa pamamagitan ng mga sanga ng punong-kahoy o tinik.”

 

Ipinakikita ng mga salitang ito ang kaugnayan ng pangalang Opon sa “pamimirata at pakikidigma.”

 

Samantala, ayon sa Aginid Bayok sa Atong Tawarik, alamat ng pinagmulan ng maharlikang pamilya ng Cebu; ang pangalang Mactan ay nagmula sa mangati o mangatang, salitang Cebuano na nangangahulugang pirata.

 

Sa Diksyunaryong Mentrida, ang mangati ay“isang magnanakaw.”

 

Ang Mactan ay may estratehikong lokasyon, at ito ay nasa bukana ng lagusan patungong pantalan ng Cebu.

 

Dahil dito, nagkaroon ng perpektong posisyon si Lapulapu upang harangin at piratain ang mga barkong pangkalakal na nagdaraan sa kanyang lugar.

 

Kaya naman, pinaniniwalaan ng mga Espanyol na ang mga katutubo ng Mactan ay mga pirata.

 

Para sa kanila ang“pamimirata at pakikidigma”ay pawang para sa ekonomiko at politikal na kadahilanan lamang, dahil ang mga ito ay kinabibilangan ng pagbihag sa mga tao at pagkuha ng yaman.

 

Pero, ang hindi nila nauunawaan, para sa mga pre-Hispanikong Bisaya at pre-Hispanikong Pilipino sa pangkalahatan, ang “pamimirata at pakikidigma”ay sinlehitimo ng pakikipagkalakalan.

 

Ang“pamimirata at pakikidigma”ay hindi lamang para sa paghihiganti; sa halip, ang mga ito ay ekspresyon ng giting, kakayahan sa pakikipaglaban, at higit sa lahat, paraan ng pag-ani ng pagkilala, paggalang, at submisyon ng iba pang mga pinuno.

 

Batay sa historikal na ebidensiya at higit sa mga alamat, si Lapulapu ay naging kilala dahil sa“pamimirata at pakikidigma”noong kanyang kabataan.

 

Sa pamamagitan nito, inani niya ang respeto, at pagkilala ng lahat ng  mga nasasakupan, at maging submisyon ng ilang datu mula sa mga karatig barangay at iba pang isla ng rehiyon ng Visayas.

 

Ang matanda at matalinong estratehistang Lapulapu, na nasa edad 70 anyos ang pinuno [hindi kasama sa pisikal na labanan] ng humigit-kumulang 1,500 matatapang na mandirigma ng Mactan: at dahil sa kanyang katalinuhan at estratehiya, nagupo ang tinaguriang Armada de Maluco ng Espanya noong Abril 27, 1521, at nakitilan ng buhay si Fernando Magallanes.

 

Sandugo at Requerimiento

 

Matapos niyang dumating sa Cebu, dagliang nakipagkaibigan si Fernando Magallanes kay Humabon, pinuno ng Cebu.

 

Mahigpit na magkatunggali sina Humabon at Lapulapu.

 

Ang pagdating ni Magallanes ay isang pambihirang oportunidad para kay Humabon upang gapihin si Lapulapu.

 

Kaya naman, daglian niyang sinamantala ang pagkakataon upang makipagtulungan kay Magallanes sa pamamagitan ng Sandugo.

 

Ang Sandugo ay literal na nangangahulugang “isang dugo,” isang sinaunang rituwal ng mga katutubo ng bansang kilala ngayon bilang Pilipinas.

 

Ito ay isinasagawa bilang tanda ng sinseridad ng intensyon, matalik na pakikipagkaibigan at higit sa lahat, simbolo ng pagiging magkapatid.

 

Ayon kay Pigafetta, uminom ng dugo sina Humabon at Magallanes na nagmula sa bisig ng isa’t-isa, bilang tanda ng kanilang matalik na pagkakaibigan.

 

Sa pamamagitan ng rituwal, ang dalawa ay naging magkapatid sa dugo -  isang alyansang magbibigay bentahe kina Humabon at Magallanes upang makamtan ang kani-kanilang politikal na ambisyon.

 

Plano ni Humabon na gamitin ang alyansang ito upang konsolidahin ang kanyang pamumuno sa Cebu at Mactan, at iligpit ang kanyang katunggaling si Lapulapu.

 

Sa kabilang dako, ito ay oportunidad para kay Magallanes upang isulong ang imperyalistikong ambisyon ng Espanya at ikalat ang Katolisismo sa mga katutubo.

 

Para rito, inilabas ni Magallanes ang kautusang nagtatakda kay Humabon bilang pinakamataas na pinuno ng Cebu at mga kalapit na isla.

 

Nagpadala rin siya ng mga kinatawan sa iba’t-ibang lugar na humihiling sa mga katutubo na magpasakop sa hari ng Espanya at kanyang kinatawang si Magallanes.

 

Ito ang tinatawag na Requerimiento – dokumentong ginamit din ng mga conquistadores sa pagsakop sa Latin Amerika.

 

Napapaloob sa kasumpa-sumpang dokumentong ito ang mga sumusunod:

 

  • Pagtanggap sa simabahang Katoliko bilang pinakamataas na awtoridad sa buong mundo at sa papa bilang kinatawan ng Diyos;

 

  • Obligasyon ng mga sasakuping katutubo na tanggapin ang Katolisismo.

 

Kapag hindi tinanggap ng mga katutubo ang mga kahilingang nabanggit, sila ay sasakupin, papaslangin at kakamkamin ang lahat ng kanilang ari-arian.

 

Sagot sa Requerimiento

 

Maliban kina Humabon at Sula, pinagkatuwaan ng mga pinuno ng Mactan ang mga mensahero ni Magallanes na naghatid ng Requerimiento.

 

Para sa kanila ito ay isang katawa-tawa at hindi dapat sineseryosong dokumento.

 

Ayon kay Fray Aganduru Moriz, bilang sagot sa Requerimiento, may-pagmamalaking idineklara ni Lapulapu,“walang sinuman sa labas ng kanyang lahi ang may karapatang pamahalaan ang mga mamamayang ng Mactan, at katulad ng kanyang mga ninuno, siya ay may pananagutan lamang sa kanyang mga kababayan, at hindi siya yuyukod sa kahit sinumang hari.”

 

Pero, may ibang historikal na tala na salungat dito, gaya ng kay Peter Martyr, na kumuha mismo ng impormasyon sa mga nakaligtas sa ekspedisyon ni Magallanes.

 

Ayon kay Martyr, tinawid ni Magallanes ang Mactan sakay ng “… katutubong bangkang inukit mula sa katawan ng puno. Nais niyang kausapin ang pinuno ng Mactan upang kumbinsihin siyang magpasakop sa dakilang hari ng Espanya, at magpailalim at magbayad ng pagkilala o tributo sa pinuno ng Cebu. Sinabi ni Lapulapu na payag siyang sumunod sa hari ng Espanya, pero hindi sa pinuno ng Cebu. Dahil dito, ipinag-utos na Magallanes ang pagsunog at pagdambong sa isang kutang kinapapalooban ng mga limampung kabahayan…”

 

Samantala, sa kanyang testimonya matapos makabalik sa Espanya, sinabi ni Fernando de Bustamante, barber-surgeon ng barkong Victoria, na payag magpailalim sa hari ng Espanya ang mga katutubo ng Mactan, pero hindi kay Humabon.

 

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Scott, na sa panahon ng pagdating ng mga Europeo, ang lipunang Bisaya, at ang mga lipunan sa bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas “ay may maliit na populasyon, mababang produksyon, at may walang-limitasyong akses sa likas na yaman, tulad ng yamang-dagat at produktong gubat. Ang kakayahan ng isang datu na bumili ng bakal at iba pang mamahaling inangkat na produkto ay nakadepende sa kontrol ng lakas-manggagawa upang masamantala ang nasabing mga likas-yaman. Samakatuwid, ang mga digmaan ay isinasagawa upang makontrol ang mga tao at hindi ang teritoryo. Inilulunsad ang mga ito sa pamamagitan ng pamimirata upang mambihag ng mga gagawing alipin, magsimula o magpatupad ng napagkasunduang alyansang pangkalakalan, at mandambong upang makabawi sa mga ginastos.”

 

Higit sa mga kalakal, ang mga alipin ang simbolo ng yaman at kapangyarihan ng isang datu, lalung-lalo na kapag ang mga ito ay nabihag sa pamamagitan ng pamimirata.

 

Sa isip at paniniwala ng mga katutubo ng bansang kilala ngayon bilang Pilipinas, ang mga Espanyol ay mga piratang katulad din nila, at ang mga aktibidad ng mga Espanyol ay walang pinagkaiba sa kanilang mga gawain.

 

Kaya naman, maraming datu mula sa Luzon at Visayas ang nakipag-alyansa sa mga Espanyol, dahil sa pamamagitan nito, maisusulong ang kanilang mga indibiduwal na adiyenda.

 

Para sa mga datung ito, ang pagdating ng mga Espanyol ay hindi isang hamon at suliranin, dahil ang akses sa likas na yaman ay walang limitasyon, at wala ring problema kung ibabahagi ito sa mga Espanyol.

 

Ayon kay Scott, “sang-ayon ang mga Bisaya na magpailalim sa mga piratang Espanyol kung may bentahe at pakinabang dito, pero, hindi sila nakahandang makipaglaban kontra sa pananakop ng kanilang teritoryo.”

 

Samakatuwid, malaking posibilidad na totoong ikinonsidera ni Lapulapu, na magpailalim sa hari ng Espanya, dahil ito ay isang benepisyal na hakbang tungo sa pagsusulong ng kanyang personal na layunin.

 

Sa kabilang dako, hindi siya nasindak magpakita ng pagtutol sa pagkilala kay Humabon bilang pinakamataas na pinuno ng Cebu at Mactan, dahil si Humabon ay may mas mababang katayuan kumpara sa kanya.

 

Higit sa lahat, hindi maaaring pumayag si Lapulapu na magbayad ng alay o tributo kay Humabon dahil ito ay magiging daan upang gumuho ang kanyang posisyon bilang pinakamataas na pinuno ng Mactan at mga nakapaligid na isla.

 

“Nang pilitin ni Magallanes si Lapulapu na kilalanin si Humabon bilang kanyang nakakataas, sinabi ni Lapulapu na hindi siya maaaring magbigay-galang at magpailalim sa taong kanya nang pinamumunuan sa loob ng mahabang panahon,” paliwanag ni Scott.

 

Dahil sa pagsuway ni Lapulapu, pinakawalan ni Magallanes ang kanyang mga tauhan sa mga mamamayang ng Mactan.

 

Ani Pigafetta, “sinunog namin ang isang barangay dahil ayaw magpasakop ng mga taga-rito sa hari [hari ng Espanya] at sa amin. Tapos, itinayo namin ang isang krus dahil ang mga tao roon ay mga hentil [gentiles]; kung sila ay mga Muslim, isang poste ang itatayo namin bilang tanda ng katigasan ng puso, dahil mas mahirap baligtarin ang paniniwala ng mga Muslim kaysa sa mga hentil.”

 

Dagdag pa riyan, may mga ulat na tulad ng kay Gines de Mafra na nagsasabing dalawang beses sinalakay ng mga Espanyol ang Mactan, at di-kukulangin sa dalawang barangay ang nawasak.

 

Samantala, may iba pang ulat, partikular ang mga ini-akdang halos kasabay ng mga naturang pangyayari, na nagbibigay-liwanag sa usaping ito.

 

Ang kagustuhan ni Magallanes na pasunurin si Lapulapu sa hari ng Espanya at kay Humabon ay hindi lamang para pahiyain siya, higit sa lahat, ito ay para patawan ng mabigat na pasanin ang ekonomiya ng Mactan sa pamamagitan ng mga alay o tributo.

 

Sinabi ni Francisco Lopez de Gomara, tagatalang Espanyol noong ikalabing-anim na siglo, na humiling ng maraming produkto si Magallanes mula sa mga datu.

 

Siyempre, tinanggap ni Humabon ang naturang kahilingan, at bukod pa riyan, ipinangako niya sa hari ng Espanya ang isang malaking diyamante.

 

Samantala, dalawang iba pang datu ang sumang-ayon, pero mayroong dalawa na sumalungat dito, at kabilang sa mga sumalungat si Lapulapu.

 

Ayon kay Gomara, sinabi ni Lapulapu na “hindi siya magpapasailalim sa taong hindi niya kilala, maging kay Humabon.”  

 

Sa manuskrito ng isang Genoese Pilot, nakasaad na hiniling ni Magallanes sa bawat datu na magbigay ng 3 kambing, 3 baboy, 3 karga ng bigas, 3 karga ng millet, at iba pang probisyon.

 

Hinggil dito, daglian at diretso ang sagot ni Lapulapu. 

 

“Sa tatlong mga hinihiling, walang pagtutol na ibibigay niya ang dalawa, at kung kuntento rito si Magallanes, agaran niya itong makakamtan. Kung hindi, ipapadala ni Lapulapu ang anumang kanyang naisin,” saad ng Genoese Pilot.

 

Binigyang-diin ni Lapulapu, na hinding-hindi niya susundin ang lahat ng hiling ni Magallanes.

 

Pero sa kabila nito, ipinahiwatig naman niyang handa niyang tulungan ang mga Espanyol, ayon sa kanyang kagustuhan.

 

Para kay Lapulapu, ang ganap na pagsunod sa kagustuhan ni Magallanes ay katumbas ng submisyon sa hari ng Espanya at pagtanggap kay Humabon bilang kanyang pinuno.

 

Kaya naman, ang ganap na pagsunod sa naturang kahilingan ay hindi isang opsyon.

 

Alinsunod sa naturang mga katotohanan, si Lapulapu ay hindi lamang isang matapang na lider, higit sa lahat, siya ay isang matalinong estratehista at diplomatang kayang umintimida sa kahit isang beteranong katunggali.

 

Dahil dito, nag-uumapoy sa galit si Magallanes.

 

Abril 27, 1521, isang mensahero ang muling ipinadala ni Magallanes kay Lapulapu, na nagpahayag ng isang mariing babalang sasalakay ang mga Espanyol kung hindi siya susunod sa mga kahilingan.

 

Sa kanyang sagot, muling tinanggihan ni Lapulapu ang hiling, at sinabing, “hihintayin namin ang inyong pagsalakay.”

 

Ang reaksyon ni Magallanes ay naitala ni Fernandez Navarette; at aniya, “Sa kanyang galit sa sagot ni Lapulapu, inihanda ni Magallanes ang tatlong bateles at 60 sundalo, na pinaniniwalaan niyang sapat na upang gapihin ang mga katutubong mandirigma. Ito ay ginawa niya kahit walang konsultasyon kay Humabon at binalewala pa niya ang payo ni Juan Serrano, na huwag lumunsad sa isang gawaing delikado, walang papupuntahan, at nakakatakot.”

 

Nang malaman ni Humabon na sasalakayin ng mga Espanyol si Lapulapu, daglian niyang inihanda ang nasa isang libong mandirigma at sumama kay Magallanes patungong Mactan.

 

Ang makatuwirang digmaan ni Magallanes

 

Ayon sa paliwanag ni Gerona, maluwag na tinanggap ni Magallanes ang desisyon ni  Lapulapu para sa direktang digmaan, dahil ito ang pinakahihintay niyang pagkakataon upang mapatunayan ang matagal na niyang ipinagyayabang na superyor ang armas at kakayahan sa pakikipaglaban ng mga Espanyol.

 

Pero, may problema: bago magawang makipagdigma ni Magallanes sa mga puwersa ni Lapulapu, kailangang mayroon siyang“matibay na legal at moral na kadahilanan.”

 

Kung wala, malaking posibilidad na isasailalim siya sa kriminal na pag-uusig sa sandaling bumalik siya sa Espanya.

 

Ang kaisa-isang bagay na maaaring magbigay-katuwiran sa paglulunsad ng digmaan ay kung ito ay ginawa sa ngalan ng simbahang Katoliko –  kilala rin bilang“makatuwirang digmaan.”

 

Kaugnay nito, may mga bali-balita na Muslim di-umano si Lapulapu.

 

Kaya naman, kahit walang ebidensiya at matibay na batayan, ito ang ginamit na dahilan ni Magallanes upang pakawalan sa mga mamamayang ng Mactan ang kanyang mga tauhan.

 

Simula ng labanan

 

Kasama ang 60 armadong tauhan, naglayag si Magallanes patungong Mactan upang harapin si Lapulapu at kanyang mga kapanalig.

 

“Naglayag kami mula sa Zubu [Cebu] mga magha-hating-gabi, kami ay 60 kataong armado ng corselet at nakasuot ng helmet [baluti],” saad ni Pigafetta.

 

Si Magallanes ay isang taong mainitin ang ulo, at dahil sinuway ni Lapulapu ang kanyang kagustuhan, nasaktan ang kanyang damdamin at ang labang ito ay personal.

 

Sa katotohuanan, ang mga sundalong ipinagyayabang ni Magallanes  ay hindi handa sa labanan, walang karanasan sa tunay na digmaan, mababa ang morale, pagod sa mahabang biyahe mula Espanya, at pinuputakti ng iba’t-ibang sakit.

 

Kasama ng puwersa ni Magallanes ang mga nasa isanlibong mandirigma ni Humabon Tupas, at Sula, na nakasakay sa 20 hanggang 30 Balangay.

 

Nang alukin ng tulong ni Humabon si Magallanes, ito ay tumanggi.

 

Ani Magallanes, isinama niya si Humabon at kanyang mga tauhan hindi upang makipaglaban, kundi upang saksihan ang katapangan at kakayahan sa pakikipagdigma ng mga Espanyol.

 

Bukod dito, ipinagyabang pa ni Magallanes na isa sa kanyang mga tauhan ay katumbas ng isandaan sa mga mandirigma ng Mactan.

 

Hindi nagtagal ay dumating ang puwersa nina Magallanes at Humabon sa destinasyon, mga tatlong oras bago  magbukang-liwayway [mga alas dos ng umaga].

 

Sa ilalim ng liwanag ng buwan, malaking posibilidad na kitang-kita ng mga mandirigma ng Mactan ang pagdating ng mga Balangay na puno  ng mga sundalo nina Magallanes at Humabon.

 

Samantala, inaasahan ni Lapulapu ang pagsalakay kaya estratehiko niyang ipinosisyon sa  dalampasigan ang kanyang mga tauhan.

 

Tungkol dito, sinabi ni Pigafetta, na naghukay ng mga butas na nilagyan ng mga tulos ang mga mandirigma ng Mactan sa gawing dalampasigan, at ang mga ito ay nagsilbing patibong – isang karaniwang estratehiya sa pakikidigma ng mga sinaunang Bisaya.

 

Samantala, ang pagsikat ng unang sinag ng araw ay ang naging simula ng labanan.

 

Ayon kay Pigafetta, “Tumalon kami sa tubig na hanggang hita ang lalim, at dahil sa babaw ng tubig at mga nagkalat na bato, hindi makalapit sa dalampasigan ang aming mga bangka.”

 

Ang natural na katangian ng dalampasigang pinagbabaan ng mga Espanyol ay matalik na kaibigan ni Lapulapu, at pinakamasamang kaaway naman ni Magallanes dahil ito ay napakagaspang at puno ng mga kabibi – samakatuwid, hindi ideyal na lugar upang ilunsad ang isang pagsalakay.

 

Dagdag pa riyan, katulad ng nakasulat sa halos lahat ng aklat pangkasaysayan, mababa ang tubig o low tide noong panahong umatake si Magallanes, kaya tinatayang mga mahigit isang milya ang nilakad niya at kanyang mga tauhan bago marating ang pampang.

 

Pinaniniwalaang inenganyo ni Lapulapu si Magallanes na sumalakay sa panahong ito.

 

Ayon kay Pigafetta, sa 60 sundalo, 49 lamang ang sumalakay dahil kailangang bantayan ng natitirang 11 ang mga bangkang naiwan.

 

Sa kabilang dako, may mga magkasalungat na tala ang mga Espanyol kaugnay ng eksaktong bilang ng mga mandirigma ng Mactan na naghihintay sa dalampasigan.

 

Sabi ng Genoese Pilot, may mga 3 hanggang  4 na libong mandirigma ang Mactan.

 

Pero, ayon kay Pigafetta,“isanlibo limangdaan” lamang ang mga mandirigma ng Mactan – isang mas realistikong  bilang alinsunod sa demograpikong kompigurasyon ng malalaking pamayanan sa panahong iyon.

 

Hinggil dito, sinabi ni Gerona, na isang katanggap-tanggap na historikal na katotohanan, na ang mga katutubong pamayanang natagpuan ng mga Espanyol ay binububo lamang ng mga 30 hanggang 100 kabahayan o nasa humigit-kumulang sa  200 hanggang 500 katao.

 

Batay sa estimasyon ni Pigafetta,  umanib kay Lapulapu ang mga mandirigma mula sa 3 hanggang 4 na barangay ng Mactan.

 

Sa kabila ng mas maraming bilang ng mga mandirigma ng Mactan, nagawa pa ring maliitin sila ni Magallanes.

 

Aniya,“Halos lahat ng kanilang mga sandata ay gawa sa tambo [malamang rattan at kawayan] at kahoy na pinatigas gamit ang apoy.”

 

Pero, katulad ng unang nabanggit, si Lapulapu ay napakahusay sa sining ng pakikipagdigma at isang beteranong kumander sa pakikipaglaban.

 

Nang makita ni Magallanes ang nakakamanghang pormasyon ng mga mandirigma ng Mactan sa dalampasigan, malaking posibilidad na napagtanto niyang nagkamali siya sa paglulunsad ng pagsalakay at upang hindi panghinaan ng loob ang kanyang mga sundalo, nagpahayag siya ng mga insulto laban sa mga mandirigma ni Lapulapu.

 

Isa pang posibilidad ay; sinadyang ipakita ni Lapulapu na ang mga sandata ng kanyang mga mandirigma ay gawa lamang sa “rattan o kawayan at kahoy na pinatigas gamit ang apoy” upang maging kampante, at magbaba ng depensa si Magallanes.

 

Dagdag pa rito, sa kanyang aklat na pinamagatang A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos, sinabi ni Luis H. Francia, na tinanggihan ni Magallanes ang alok na tulong ni Humabon sa pagsalakay, at sa halip ay ipinagmayabang pa niyang ang mga kanyon ng kanyang mga barko ay mas malalaki at mas malakas kaysa sa mga lantaka ni Lapulapu.

 

Pero, ang pag-uusap na ito ay nangyari bago ang labanan, at walang anumang tala mula sa mga Espanyol ang nagsasabing mayroong lantaka o mga baril ang kampo ni Lapulapu.

 

Magkagayunman, batay sa kinalabasan ng Labanan ng Mactan, ang pangmamaliit ni Magallanes sa mga mandirigma ni Lapulapu ay hindi isang magandang ideya.

 

Mga armamento

 

Base sa imbentaryo ng mga armamento ng ekspedisyon ni Magallanes, malaki ang kanyang bentaheng taktikal sa pangmalayuan at posisyonal na labanan sa pamamagitan ng malalakas na kanyon at barko.  

 

Ayon sa opisyal na tala mula sa Espanya, nasa mga kamay ni Magallanes ang pinakamalalakas na artileriya ng kanyang panahon, gaya ng 58 culverin, 7 falcones, 8 malalaking kanyong lombardy, 8 kanyong idinisenyo sa pagwasak ng makakapal na pader, iba’t-ibang uri ng baril, at marami pang iba.

 

Pero, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, hindi dinala ni Magallanes ang kanyang mga barko at kanyon sa labanan, na ayon kay Antonio de Brito, ay nakaposisyon mga 2 leguas (mga 8 kilometro) ang layo mula sa lugar ng labanan.

 

Ayon sa mga historyador, may tatlong posibleng dahilan:

 

  • Una, nais ni Magallanes na magsagawa ng surpresang atake, at dahil ang kanyang mga barko ay napakalalaki, ang pagdadala ng mga ito ay sisira sa elemento ng sorpresa;

 

  • Pangalawa, napakahirap imani-ubra ng malalaking barko sa mababaw na tubig. Kung dadalhin ni Magallanes ang mga nasabing sasakyan, siguradong maantala ang kanyang mga plano;

 

  • Ikatlo, kayabangan. Nais ni Magallanes na ipakita sa lahat na superyor ang kakayahan sa pakikipaglaban at kagamitan ng mga Espanyol kontra sa mga mandirigma ni Lapulapu.

 

Para sa personal na depensa, ang mga kawal ni Magallanes ay nakasuot ng pinakamodernong baluti ng kanilang panahon.

 

Bukod dito, mayroon din silang espada (malamang pangmilitar na sable o military sabre), mahabang sibat o lance, mas maikling sibat o javelin, harpoon, crossbow, baril na arquebus at marami pang iba.

 

Sa kabila ng bentahe sa numero ng kampo ni Lapulapu, ang labanan ay patas lamang dahil sa dami ng makabagong kagamitang pandigma ng mga kawal ni Magallanes.

 

Samantala, walang opisyal na tala kung ano ang mga ginamit na armamento ng mga mandirigma ng Mactan, pero, base sa analisasyon ng labanan, ang mga kawal ni Lapulapu ay gumamit ng espada (malamang Kris, Kampilan at iba pang uri ng sundang), bangkaw, sibat na gawa sa kawayan, sumpit na may-lason, pana na binabalahan ng may-lasong palaso, at kalasag na gawa sa kahoy.

 

Sa gitna ng labanan

 

Ayon sa mga opisyal na tala, kasabay ng pag-abante ng mga kawal Espanyol, walang-tigil nagpapaputok at nagpapakawala ng mga palaso ang kanilang mga musketero at crossbowmen sa loob ng kalahating oras; pero, dahil malayo ang kanilang distansiya sa target (mga 60 yarda), walang masyadong pinsalang natamo ang mga mandirigma ng Mactan.

 

Hindi tumagos sa mga kahoy na kalasag ang mga bala at palaso ng mga Espanyol.

 

Bilang ganti, ibinigay ni Lapulapu ang utos upang sumugod.

 

Maliwanag sa aksyong ito na nais niyang isarado ang distansiya sa pagitan ng kanyang mga mandirigma at kawal Espanyol.

 

Alam ni Lapulapu na ang pangmalayuang labanan ay hindi makakabuti sa kanyang mga mandirigma, kaya kailangan niyang lumapit upang magamit ang kakayahan at lakas ng kanyang mga tauhan kontra sa kahinaan ng kalaban.

 

Ani Pigafetta,“sa bahagi ng mga katutubo, ang aming pagpapaputok ay lalo lamang nakapagpasidhi ng kanilang pag-abante habang malakas na sinasambit ang kanilang sigaw pandigma, at nagpabilis ng pagtakbo sa sigsag na paraan hanggang malapitan ang mga kalaban na kanilang pinau-ulanan ng palaso, hinahagisan ng sibat, bato at putik.”

 

Sa kainitan ng labanan, ipinag-utos ni Magallanes ang pagsunog sa mga kabahayan ng mga mamamayang ng Mactan.

 

Ayon kay Pigafetta, ang taktikang ito ay lalo lamang nagpagalit sa mga mandirigma ng Mactan.

 

Aniya, ilang kawal ng Mactan ang tumutok sa 2 kawal Epanyol na nasusunog ng mga kabahayan, at ang nasabing dalawa ay dagliang napatay.

 

Samantala, ang mga bangkang naiwan na binabantayan ng kawal 11 Espanyol at naglalaman ng mga artileriya na gagamitin sana bilang pangmalayuang taktikal na suporta ay walang saysay dahil masyado silang malayo sa lugar ng labanan.

 

Ayon sa tala ni Fernando Oliviera, “...hanggat mayroon kaming pulbura, hindi kami malapitan ng mga mandirigma ng Mactan, pero nang maubos ito, pinalibutan nila kami sa lahat ng dako; at dahil mas marami sila sa amin, sila ang nanalo, at hindi naipagtanggol ng marami sa aming kawal  ang sarili at hindi rin nakatakas, at lumaban sila hanggang mahapo…”

 

Sa madaling salita, nagawang makuha ng mga tauhan ni Lapulapu ang mga bangka at mapatay ang ilang kawal Espanyol.

 

Dagdag pa riyan, sinabi ni Correa na, “Napakatuso ng mga mandirigma ng Mactan at nagposisyon sila ng mga tauhan sa mga damuhan. Nang makita nilang hapung-hapo na ang mga kawal Espanyol, tinambangan nila ang mga ito at marami ang napatay.  Samantala, isa pang grupo ang umahon mula sa damuhan at bumihag sa mga bangkang nasa malapit sa dalampasigan, na walang bantay.”

 

Maliwanag sa tagpong ito na matagumpay na naisara ni Lapulapu ang distansiya sa pagitan ng kanyang mga mandirigma at kawal Espanyol.

 

Sa tagpong ito makikita ang pagkadalubhasa ni Lapulapu sa estratehiya ng pakikidigma at superyor na kakayahan ng kanyang mga tauhan sa malapitang labanan.  

 

Saklolo mula kay Humabon

 

Nang nakita ni Humabon kung ano ang nangyayari, napagpasiyahan niyang tulungan ang mga kaalyadong Espanyol.

 

Sabi ni Correa, “... tapos, lumabas ang hari [Humabon], nilabanan niya sila [mandirigma ng Mactan] at ipinagtanggol ang aming mga bangka at napalayas ang nasabing mga tauhan [tauhan ni Lapulapu].”

 

Sa kabila nito, hindi natinag ang detreminasyon at taktika ng mga taga-Mactan.

 

Hinati nila ang kanilang puwersa sa tatlong bahagi: 2 grupo ang sumalakay sa magkabilang gilid, at ang isa pa ay umabante mula sa gitna.

 

Ayon sa lahat ng ito, hindi lamang 60 Espanyol ang nakalaban ng mga 1,500 mandirigma ni Lapulapu, dahil kapanalig ng mga Espanyol ang mga 1,000 mandirigma ni Humabon.

 

Maliwanag na pagdating sa bilang ng mga kawal, kaunti lang ang lamang ni Lapulapu, pero pagdating naman sa armamento, malaki ang kalamangan ni Magallanes.

 

Samantala, batid ng mga taga-Mactan ang mahinang bahagi ng baluti ng mga Espanyol, sa may bandang hita, kaya naman dito nila tinutok ang pag-atake.

 

Isang partikular na sandata ng Kabisayan sa panahong iyon ay ang may-lasong palaso, at isa sa mga palasong ito ang tumama sa hita ani Magallanes.

 

Dahil dito, napilitan niyang ipag-utos ang dahan-dahang pag-atras.

 

Pero, dahil sa kakulangan sa karanasan sa labanan, magulo at biglaang nagsipag-atrasan ang mga Espanyol at kanilang mga kapanalig, at 6 hanggang 8 kawal lamang ang naiwang nagpoprotekta kay Magallanes.

 

Habang paika-ika si Magallanes sa dalampasigan, tuloy naman sa pagsugod ang mga mandirigma ng Mactan, habang maraming beses na inihahagis ang mga sibat.

 

Habang lumalapit ang distansya sa pagitan ng mga tauhan ni Lapulapu at Magallanes, sa mga, “... isang tira ng crossbow mula sa dalampasigan, o di-kukulangin sa isang kilometro mula sa mga bangka, habang mababaw pa rin ang tubig hanggang tuhod, napagpasiyahan ni Magallanes na manatili sa kanyang posisyon at huwag nang umatras,” salaysay ni Pigafetta.

 

Pagkamatay ni Magallanes

 

Maraming bersyon ang pagkamatay ni Magallanes, ayon sa iba’t-iba manunulat.

 

Ayon kay Pigafetta, “Sa pamamagitan ng kawayang sibat, natamaan ng isang katutubo ang kapitan [Magallanes] sa mukha, pero, bago siya makagawa pa ng panibagong sugat, dagliang pinaslang ni Magallanes ang nasabing katutubo sa pamamagitan ng pagtusok ng isang lance sa kanyang dibdib, na nanatiling nakabaon doon. [Samantala], habang sinusubukang bunutin ni Magallanes ang kanyang espada, isa pang kawayang sibat ang tumama sa kanyang kanang braso, isang senyal para sa mga katutubo upang sabay-sabay na sumugod. Kahit dinudugo, sinubukan pa rin ni Magallanes na salagin-pailag ang mga tira ng kalaban gamit ang espadang kalahati lamang na nakabunot. Pero, isang scimitar [malamang Kampilan] ang tumama sa kanyang kaliwang hita, na nagresulta sa kanyang pagkadapa, isa muling senyal para sa mga mandirigma ng Mactan upang siya ay pagtutusukin ng mga sibat, pagtatagain gamit ang mga Kampilan at Kris, at salakayin gamit ang lahat ng mga sandatang mayroon sila.”

 

Sa kabilang dako, sa kanyang opisyal na ulat, Hunyo 4, 1529, makaraang makabalik sa Espanya, sinabi ni Nicolas de Napoles na, “habang siya ay lumalaban sa tabi ni Magallanes, nakita niyang tinamaan ito ng isang palaso, at tumagos sa kanyang lalamunan ang isang mahabang sibat o lance.”

 

Sa ulat naman ng tagatalang si Antonio de Herrera, dahil sa tama ng bato, natanggal at nahulog ang baluti sa ulot ni Magallanes, at dahil mayroon na siyang sugat sa hita, mabagal na siyang kumilos at naging madali para sa mga mandirigma ng Mactan para siya ay kuyugin, habang pinupukpok ang kanyang ulo gamit ang mga bato, na naging dahilan upang siya ay bumagsak. Habang nasa ibaba, siya ay pinagtutusok ng mga mahahabang sibat o lance.

 

Kung ating ibabase sa sentido-komon at analisasyon ng nasabing mga tala, lumilitaw na pinakamalapit sa katotohanan ang sinabi ni Nicolas de Napoles dahil siya ang nasa tabi ni Magallanes sa panahon ng kanyang kamatayan.

 

Dagdag diyan, base sa mga sandata at kakayahan sa pakikipaglaban ng mga tauhan ni Lapulapu, malaki ang posibilidad na totoong namatay si Magallanes sa pamamagitan ng tama ng palaso at pagtagos sa kanyang lalamunan ng isang mahabang sibat.

 

Sa pagkamatay ni Magallanes, dagliang umatras patungo sa mga bangka ang mga buhay pang sundalong Espanyol at iba pang tauhan ni Humabon, at iniwan ang walang buhay na katawan ni Magallanes sa kamay ng mga mandirigma ng Mactan.

 

Mga kasuwalti

 

Sa ulat ni Pigafetta, “Kasamang namatay ni Magallanes ang walong iba pang kawal, at apat na katutubong mandirigma na yumakap sa Katolisismo, at napakarami ang sugatan, kabilang na ako.”

 

Si Pigafetta ay tinamaan ng may-lasong palaso sa bandang noo,   na kalaunan ay namaga at naging napaka-sakit.

 

Maliban kay Magallanes, ang mga namatay ay sina: Cristobal de Rabelo, alalay ni Magallanes at kapitan ng barkong Victoria; Francisco de Espinosa, manlalayag; Juan de Torres, kawal; Rodrigo Nieto; Anton Gallego, cabin boy; Pedro, tagapagsilbi ng Alguacil; at Gonzalo de Espinosa.   

 

Matapos ang dalawang araw, isa pang sundalo ang namatay na nagngangalang Anton de Escobar.

 

Sa parte ni Lapulapu, sinabi ni Pigafetta na 15 ang nasawi at 24 ang sugatan.

 

Pero, ang nakakapagtaka, paano nalaman ni Pigafetta ang bilang ng mga namatay at sugatan sa mga mandirigma ni Lapulapu?

 

Wala naman sigurong mula sa kampo ni Lapulapu na magsasabi ng ganitong klase ng impormasyong kay Pigafetta; at kung mayroon man siyang nasagap na kaalaman hinggil dito, malaking posibilidad na hindi ito tumpak.

 

Sa gitna ng labanan, nasaan si Lapulapu?

 

Ang husay ni Lapulapu sa estratehiya ng pakikidigma, at walang-katulad na giting at kaalaman ng mga mandirigma ng Mactan ay walang dudang gumanap ng napakahalagang papel sa tagumpay laban sa mga Espanyol.

 

Samantala, ang kamatayan ni Magallanes ay yumanig sa mismong pundasyon ng imperyo ng Espanya, at lumikha ng mga nagkakaibang ideya sa mga nakapag-aral at pantas na Europeo.

 

Ito rin ay naging sanhi ng paglipat ng balanse ng kapangyarihan sa rehiyon ng Visayas, at dumurog sa pagyayabang ng mga Espanyol na sila ay superyor kumpara sa mga katutubo ng bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas.

 

Pero, ang pinakamalaking katanungan: nasaan si Lapulapu habang nangyayari ang labanan?

 

Ayon kay Danilo Madrid Gerona, dahil sa hinog niyang edad, hindi kasali si Lapulapu  sa pisikal na paglalaban.

 

Sa halip, siya ang naging utak at nagplano ng lahat ng taktikal na estratehiya mula sa isang ligtas na lugar.

 

Ang eksplanasyong ito, ani Gerona ay ang pinakalohikal, dahil walang anumang banggit tungkol kay Lapulapu sa kahit anumang historikal na dokumento tungkol sa labanan.

 

Magkagayunman, si Lapulapu ang humawak ng susi at gumanap ng sentral na papel sa tagumpay ng Labanan ng Mactan – siya ang henyo ng estratehiyang militar sa likod ng pagkagupo ng Armada de Maluco ng Espanya.

 

Unang Episode: 

Ikalawang Episode:

Ikatlong Episode: 

 

 

Sources:

  • A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos by Luis H. Francia, The Overlook Press, Peter Mayer Publishers, Inc., New York, 2010

  • Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society by William Henry Scott, Ateneo De Manila University Press, 1994

  • Ferdinand Magellan: The Armada de Maluco and the European Discovery of the Philippines by Danilo Madrid Gerona, Spanish Galleon Publisher Philippines, 2016

  • Fortress of Empire: Spanish Colonial Fortifications of the Philippines 1565-1898 by Rene B. Javellana, Bookmark Inc., Philippines, 1997

  • The Philippines: A Story of a Nation by Augusto De Viana, Rex Bookstore, 2011

  • Photo: Lapulapu by Carlo Caacbay (2019).  Courtesy of the Historic Sites and Education Division of the National Historical Commission of the Philippines

 

Ulat: Jade

Pulido: Rhio

Photo courtesy: PTV/National Historical Commision of the Philippines/Rhio

Web Edit: Jade

Audio: Rhio

Audio-edit: Lito

Please select the login method