Sa pakikipag-usap sa telepono nitong Sabado, Mayo 15, 2021 kay Ministrong Panlabas Moeen Qureshi ng Pakistan, inilahad ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang posisyon ng panig Tsino tungkol sa sagupaan ng Palestina at Israel.
Ipinahayag ni Wang na walang humpay na lumalala ang sagupaan ng Palestina at Israel na nagbunsod ng malaking human casualty. Lubos aniya itong ikinalulungkot ng panig Tsino.
Kaugnay nito, ipinaabot ni Wang ang tatlong posisyon ng Tsina.
Una, nag-ugat ang paglala ng situwasyon sa di-makatarungang paghawak sa isyu ng Palestina sa loob ng mahabang panahon. Dahil dito, ibayo pa aniyang lumalalim ang kahirapan ng mga mamamayang Palestino, at umiigting ang alitang Palestino at Israeli.
Ikalawa, ang pinakamahalagang bagay sa ngayon ay agarang pagtitigil sa paglalaban at karahasan. May responsibilidad din aniya ang United Nations (UN) Security Council sa pagpapahupa ng tensyon sa lalong madaling panahon. Ani Wang nananawagan ang panig Tsino sa lahat ng kasaping bansa ng UNSC na isabalikat ang kanilang karapat-dapat na responsibilidad para totohanang mapangalagaan ang kapayapaan at kaligtasang panrehiyon.
Ikatlo, ang pundamental na kalutasan sa isyu ng Palestina ay pagsasakatuparan ng “Plano ng Dalawang Estado.” Pangunguluhan aniya ng panig Tsino ang bukas na debatehan sa UNSC hinggil sa sagupaang Palestino at Israeli. Umaasa rin aniya ang Tsina na mailalabas ng iba’t-ibang panig ang magkatugmang tinig tungkol dito. Dagdag pa ni Wang, patuloy at matatag na susuportahan ng Tsina ang makatarungang usapin ng mga mamamayang Palestino sa paghahanap ng lehitimong karapatan at kapakanan.
Ipinahayag naman ni Qureshi ang paghanga sa nasabing posisyon.
Nakahanda aniya ang Pakistan na palakasin ang pakikipagsanggunian at pakikipagkoordinahan sa panig Tsino para mapasulong ang pagtitigil ng putukan at mapahupa ang maigting na situwasyon.
Salin: Lito
Pulido: Rhio