Sa pangunguna ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, idinaos nitong Mayo 16, 2021 ang pangkagipitang bukas na pulong ng United Nations Security Council (UNSC) tungkol sa nangyayaring sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel.
Ipinahayag ni Wang na sa ngayon, walang humpay na lumalala ang sagupaang Palestino at Israeli, at napakagrabe at napakahigpit ng situwasyon. Kaya, dapat agaran aniyang umaksyon ang komunidad ng daigdig para puspusang mapigilan ang ibayo pang paglala ng situwasyon.
Tinukoy niyang lagi’t laging nananatiling nukleo ang usapin ng Palestina sa isyu ng Gitnang Silangan. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Wang, na sa pamamagitan lamang ng komprehensibo, makatarungan, at pangmatagalang kalutasan sa isyu ng Palestina, maisasakatuparan ang pangmalayuang kapayapaan at unibersal na kaligtasan sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Bilang tugon sa kasalukuyang maigting na situwasyon, sinabi ni Wang, na inihaharap ng panig Tsino ang 4 na posisyong kinabibilangan ng una, ang pagtitigil ng putukan at karahasan ay kasalukuyang pinakamahalagang bagay; ikalawa, ang makataong tulong ay labis na kinakailangan; ikatlo, ang suportang pandaigdig ay karapat-dapat na obligasyon; ikaapat, ang “Plano ng Dalawang Estado” ay pundamental na kalutasan.
Diin pa niya, patuloy na pasusulungin ng panig Tsino ang mapayapang talastasan hinggil sa isyung ito upang mabuting ipatupad ang tungkulin at responsibilidad bilang bansang tagapangulo ng UNSC.
Ipinaabot naman ng mga kalahok ang pasasalamat sa pagtataguyod ng panig Tsino sa nasabing pangkagipitang bukas na pulong.
Nanawagan din sila sa kapwa nagsasagupaang panig na agarang itigil ang putukan at karahasan, tupdin ang kaukulang resolusyon ng UNSC at pandaigdigang batas upang mapahupa ang maigting na situwasyon.
Salin: Lito
Pulido: Rhio