Ika-27 Pagsasanggunian ng Matataas na Opisyal ng Tsina at ASEAN, idinaos: mga opisyal ng Tsina at Pilipinas, magkasamang nangulo

2021-05-19 14:47:41  CMG
Share with:

Ika-27 Pagsasanggunian ng Matataas na Opisyal ng Tsina at ASEAN, idinaos: mga opisyal ng Tsina at Pilipinas, magkasamang nangulo_fororder_20210519ASEAN500

Sa pamamagitan ng video link, idinaos Mayo 18, 2021 ang Ika-27 Pagsasanggunian ng Matataas na Opisyal ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) , na magkasamang pinanguluhan nina Wu Jianghao, Asistanteng Ministrong Panlabas ng Tsina, at Elizabeth P. Buensuceso, Pangalawang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.

Binalik-tanaw ng kapwa panig ang proseso at mga tagumpay na natamo nitong 30 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN.

Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa kanilang kooperasyon sa susunod na yugto, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan.

Kasama ang ASEAN, sinabi ni Wu na nakahanda ang panig Tsino upang samantalahin ang pagkakataon ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN para lagumin ang mga karanasan, pagplanuhan ang direksyon sa hinaharap, walang humpay na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal at panseguridad, pataasin ang saklaw at kalidad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, palakasin ang kakayahan ng sistema ng pampublikong kalusugan, at palawakin ang kooperasyon sa kultura at sustenableng pag-unlad para mapataas ang kalidad at lebel ng relasyong Sino-ASEAN.

Lubos namang pinapurihan ng panig ASEAN ang natamong napakalaking tagumpay ng Tsina sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease (COVID-19) at pag-unlad ng lipunan ng bansa.

Pinasalamatan din nila ang ibinibigay na malaking suporta at tulong ng panig Tsino sa ASEAN sa mga aspektong tulad ng paglaban sa pandemiya.

Nakahanda anila ang ASEAN upang walang humpay na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa panig Tsino sa mga larangang gaya ng paglaban sa pandemiya, pag-ahon ng kabuhayan, konektibidad, sustenableng pag-unlad, at transpormasyong didyital, at pag-ibayuhin ang tunguhin ng pagsasanggunian upang marating ang Code of Conduct (COC) sa South China Sea tungo sa mas mainam na relasyon ng kapwa panig.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method