Ayon sa ulat, inutusan nitong Miyerkules, Mayo 26, 2021 ni Pangulong Joe Biden ng Amerika ang intelligence department na imbestigahan ang pinag-ugatan ng coronavirus, at hanapin kung galing sa kalikasan o aksidente ng laboratoryo ang virus.
Kaugnay nito, sinabi nitong Huwebes, Mayo 27, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang konklusyong “extremely unlikely” o malayong mangyari na nanggaling sa laboratoryong Tsino ang coronavirus ay malinaw na nakikita sa ulat ng pananaliksik ng World Health Organization (WHO)-China joint mission.
Aniya, sa magkakaibang okasyon, maraming beses na binigyan ng mga dalubhasang pandaigdig sa nasabing misyon ng positibong pagtasa ang bukas at maliwanag na pakikitungo ng panig Tsino.
Diin ni Zhao, paulit-ulit na hinimok ng panig Amerikano ang Tsina na sumali sa komprehensibo’t maliwanag na imbestigasyong pandaigdig na ang batayan ay ebidensya. Nanawagan siya sa panig Amerikano na batay sa siyentipikong pakikitungo, agarang isagawa ang kooperasyon sa WHO sa paghahanap ng pinagmulan ng coronavirus, at isagawa ang komprehensibo’t maliwanag na imbestigasyong pandaigdig na may batayan ng ebidensiya sa Amerika, tulad ng ginawa ng Tsina.
Ito ay para tumugon sa pagkabahala ng komunidad ng daigdig, at gumawa ng positibong ambag sa pagpawi ng sangkatauhan ng pandemiya sa lalong madaling panahon, at mas mainam na pagharap sa mga biglaang pangyayaring pangkalusugan sa hinaharap, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Mac