Idinaos Lunes, Hunyo 7, 2021, sa lunsod Chongqing, dakong timogkanluran ng Tsina ang espesyal na pulong ng mga ministrong panlabas bilang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Magkasamang pinanguluhan nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Teodoro Locsin Jr., Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang naturang pulong.
Sinabi ni Wang na bunga ng magkasamang pagsisikap nitong 30 taong nakalipas, ang Tsina at ASEAN ay nagsisilbi ngayong pinakamalaking mag-trade partner, at pinakamasiglang estratehikong mag-partner.
Ani Wang, dapat bigyang-pokus ng Tsina at ASEAN ang darating na 30 taon para maitayo ang estratehikong partnership ng dalawang panig sa mas mataas na lebel, at maitayo ang mas matatag na komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran.
Para rito, iniharap ni Wang ang 6 na mungkahing kinabibilangan ng una, pagpapalalim sa kooperasyon sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19); ikalawa, pagpapasulong sa pag-ahon ng kabuhayan; ikatlo, pagpapataas sa lebel ng relasyon ng dalawang panig; ika-apat, pagpupunyagi upang magkaroon ng “Code of Conduct (COC)” sa South China Sea sa lalong madaling panahon; ikalima, paggigiit ng multilateralismo; at ika-anim, magkakasamang pagpapasulong sa pagpapahalagang Asyano (Asian values).
Lubos namang pinapurihan ng mga ministrong panlabas ng ASEAN ang natamong napakalaking bunga ng Tsina sa paglaban sa pandemiya at pag-unlad ng kabuhayan at lipunan.
Ipinahayag nilang ang relasyong ASEAN-Sino ay pinakamahalaga at pinakamayamang relasyon ng ASEAN sa iba pang mga dialogue partner.
Ito anila ay nagsisilbing mahalagang sandigan para sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan sa rehiyong ito.
Salin: Lito
Pulido: Rhio