Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono sa kanyang counterpart ng Republika ng Congo na si Denis Sassou Nguesso nitong Lunes, Hunyo 21, 2021, inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaan ng panig Tsino na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, palakasin ang pagpapalitan ng karanasan sa pangangasiwa sa bansa, pasulungin ang walang humpay na pagtamo ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa ng bagong bunga, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Saad ni Xi, hinihimok ng panig Tsino ang mas maraming kompanyang Tsino na mamuhunan at magsimula ng negosyo sa Republika ng Congo, at nakahandang palalimin ang kooperasyon sa Congo sa mga larangang gaya ng kalusugan, agrikultura, pamumuhay ng mga mamamayan at iba pa.
Tutulungan din aniya ng Tsina ang Republika ng Congo na pasulungin ang proseso ng industriyalisasyon at pagkakaiba-iba ng kabuhayan, at paunlarin ang kabuhaya’t lipunan.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Sassou ang ibinigay na suporta ng panig Tsino sa paglaban ng kanyang bansa ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagpapaunlad ng kabuhaya’t lipunan.
Nakahanda aniya ang kanyang bansa na magpunyagi, kasama ng panig Tsino, para palalimin ang mapagkaibigang relasyon ng dalawang bansa, aktibong itatag ang Belt and Road, ipatulad ang mga natamong bunga ng Beijing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation, at pasulungin ang pagtamo ng kooperasyon nila ng Tsina at kooperasyong Sino-Aprikano ng mas maraming bunga.
Salin: Vera
Pulido: Frank