Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Pangulong Sauli Niinisto ng Finland nitong Lunes, Hunyo 21, 2021, nanawagan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina na panatilihin ang pangunahing tunguhin ng diyalogo, kooperasyon, mutuwal na kapakinabangan, at win-win outcomes sa relasyong Sino-Europeo.
Aniya, sa kasalukuyan, mabilis na nagaganap ang pagbabago sa kayariang pandaigdig, at walang humpay na lumilitaw ang mga banta at hamong pandaigdig. Dapat magkasamang harapin ng iba’t ibang panig ang mga banta at hamon, sa pamamagitan ng kooperasyon at win-win, sa halip ng komprontasyon at zero-sum game.
Diin ni Xi, nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Finnish, na igiit ang tunay na multilateralismo, magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamon sa seguridad ng kalusugang pampubliko, pagbabago ng klima at iba pa, sa pamamagitan ng kooperasyong pandaigdig, at pasulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Saad naman ni Pangulong Niinisto, ang Tsina ay itinuturing na pinakamahalagang trade partner ng Finland sa Asya, at napakalaki ng potensyal ng kooperasyon ng kapuwa panig sa mga larangang gaya ng hay-tek at circular economy.
Aniya, naninindigan ang kanyang bansa na harapin ang mga hamong pandaigdig, sa pamamagitan ng diyalogo at kooperasyon. Sa prosesong ito napakahalaga ng papel ng Tsina.
Nakahanda ang Finland na patingkarin ang positibong papel para sa pagpapasulong sa diyalogo at kooperasyon ng Tsina at Europa, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Frank