Ginanap nitong Lunes ng gabi, Hunyo 28, 2021 sa National Stadium sa Beijing ang maringal na palabas bilang pagdiriwang sa sentenaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Kabilang sa mga nanood ng nasabing palabas ay sina Pangulong Xi Jinping at Premyer Li Keqiang, kasama ng halos 20,000 manonood.
Pinamagatang “Dakilang Biyahe,” inilahad nito sa mga mamamayang Tsino ang CPC, sa pamamagitan ng apat na bahaging nagpapakita ng proseso ng rebolusyon, konstruksyon at reporma nitong nakalipas na 100 taon.
Ipinakita rin nito ang kabanata kung saan ipinaliliwanag, na sapul nang idaos ang ika-18 Pambansang Kongreso ng CPC, sa ilalim ng pamumuno ng Komite Sentral ng partido, pumasok sa bagong panahon ang sosyalismong may katangiang Tsino, at tumutungo ang Tsina sa bagong biyahe ng komprehensibong pagtatatag ng moderno’t sosyalistang bansa.
Inanyayahan sa naturang palatuntunan ang mga kaibigan, diplomata at dalubhasang dayuhan, at mga kinatawan ng mga organisasyong pandaigdig sa Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Rhio