Sa kanyang talumpati Hunyo 30, 2021, sa pulong ng United Nations Security Council (UNSC) hinggil sa isyung nuklear ng Iran, ipinahayag ni Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na dapat walang pasubaling bumalik ang Amerika sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA).
Kaugnay nito, buong tatag aniyang tinututulan ng Tsina ang anumang ilegal at unilateral na sangsyong isinasagawa ng Amerika laban sa Iran.
Aniya, ang pag-urong ng Amerika mula sa JCPOA ay nagdulot ng kawalang tiwala sa pagitan ng Amerika at Iran, at ito rin ang pinakamalaking hadlang sa pagbalik ng dalawang panig sa talastasan hinggil sa pagsasakatuparan ng naturang kasunduan.
Makatuwiran aniya ang kahilingan ng Iran sa Amerika, na magbigay ng garantiyang hindi ito muli uurong mula sa kasunduan.
Ipinahayag din ni Geng na ang unilateral na sangsyon ay nakakapinsala sa kooperasyon ng iba’t ibang bansa at lumalabag sa katarungang pandaigdig.
Paulit-ulit aniyang nananawagan ang komunidad ng daigdig na kanselahin ng Amerika ang sangsyon sa Iran, at gumawa ng positibong aksyon sa talastasan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio