Nakamtan Hunyo 30, 2021 ng Tsina ang sertipikasyon bilang bansang ligtas sa malarya mula sa World Health Organization (WHO).
Ang Tsina ay unang bansa sa rehiyon ng Kanlurang Pasipiko na nakakuha ng sertipikasyong ito nitong nakalipas na mahigit 30 taon.
Noong dekada 40, 30 milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng malarya sa Tsina.
Bumaba sa sero ang datos na ito noong 2017, at nananatili itong sero hanggang ngayon.
Ito ay hindi lamang bunga ng angkop na hakbangin ng Tsina sa pagpigil at pagkontrol sa nasabing sakit nitong nakalipas na ilang dekada, kundi tagumpay rin ng sistema ng garantiyang pangkalusugan sa lahat ng mga mamamayan.
Ang malarya ay isa sa mga pinakanakamamatay na sakit sa mundo.
Upang maigarantiya ang kalusugan ng mga mamamayan, mula noong dekada 50, sinimulan ng bansa ang paglaban sa nasabing sakit.
Kasabay ng pagsulong ng gawain ng pagbibigay-tulong sa mahihirap, nagkaroon ng napakalaking pagbuti ang kondisyon ng pabahay at pamumuhay, at serbisyong pantelekomunikasyon at medikal ng mga mamamayan.
Lalong lalu na, pinatingkad ng pagkakabuo ng unibersal at pundamental na network ng garantiyang medikal ang mahalagang papel sa pagpawi sa malaria.
Bilang bansang may pinakamalaking populasyon sa daigdig, ang tagumpay ng Tsina sa pagpuksa sa malarya ay hindi lamang nagpapakita ng pagtaas ng lebel ng kalusugan, kundi isang progreso sa usapin ng karapatang pantao.
Noong 1970s, natuklasan ng mga dalubhasang Tsino ang artemisinin, core compound ng artemisinin-based combination therapies (ACTs), bagay na nagligtas ng ilang milyong buhay sa buong mundo, partikular na, sa mga umuunlad na bansa.
Ito ay inilakip ng WHO bilang primerang gamot kontra malarya.
Ang buong sangkatauhan ay isang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan.
Sa harap ng mga pandaigdigang krisis sa kalusugang pampubliko na gaya ng malaria at Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ang pagkakaisa at pagtutulungan ay siyang tanging tumpak na pagpili ng iba’t ibang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio