Sa pamamagitan ng video link, idinaos Martes ng gabi, Hulyo 6, 2021 ang CPC at World Political Parties Summit, kung saan dumalo at bumigkas ng keynote speech si Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Ipinagdiinan ni Xi na ipapatupad ng CPC ang responsibilidad nito bilang isang malaking partido ng malaking bansa para makapagbigay ng bagong ambag para sa kapakanan ng buong sangkatauhan.
Ani Xi, ang pagpawi sa karalitaan ay komong hangarin ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa, at ito rin ay mahalagang hangaring buong sikap na isinasakatuparan ng mga partido ng iba’t-ibang bansa. Nakahanda ang CPC na magkaloob ng mas maraming plano at puwersang Tsino para sa proseso ng pagbabawas ng karalitaan, diin niya.
Ipinagdiinan din ni Xi na sa landas ng paghahanap ng sangkatauhan ng kaligayahan, walang bansa ang dapat maiwan.
Aniya, dapat magkaroon ang lahat ng bansa sa daigdig ng pantay na pagkakataon at karapatan sa pag-unlad.
Ipinagdiinan pa ni Xi na ang nukleong ideya ng kasalukuyang pandaigdigang sistema at kaayusan ay multilateralismo. Dapat aniyang magkakasamang tutulan ng mga bansa ang pagsasagawa ng aksyon ng unilateralismo na itinayago bilang multilateralismo, at dapat nilang magkakasamang tutulan ang hegemonya at power politics.
Buong tatag na pangangalagaan ng Tsina ang layunin at prinsipyo ng “UN Charter,” at isusulong ang pagtungo ng pandaigdigang sistema at kaayusan sa mas pantay at makatarungang direksyon, diin pa niya.
Si Pangulong Xi ang siya ring Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Tagapangulo ng Central Military Commission ng bansa.
Ang nasabing summit ay isang mahalagang multilateral na aksyong diplomatiko na ginanap sa okasyon ng ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Lumahok dito ang mga lider at kinatawan ng mahigit 500 partido at organisasyong pulitikal mula sa mahigit 160 bansa ng daigdig.
Layon ng summit na palakasin ang pakikipagpalitan ng CPC sa mga partido ng iba’t-ibang bansa, sa larangan ng pamamahala sa estado at administrasyon, upang magkakasamang harapin ang napakalaking pagbabago ng kayariang pandaigdig at hamong dulot ng pandemiya ng COVID-19; palakasin ang ideya at kakayahan sa paghahanap ng kaligayahan ng mga mamamayan; pasulungin ang kapayapaan at kaunlarang pandaigdig; at pasulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran.
Salin: Lito
Pulido: Rhio