Itinuturing ng Pilipinas ang Tsina bilang kaibigan at katuwang para sa kapayapaan at kaunlaran.
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang talumpati sa pamamagitan ng video link sa Communist Party of China (CPC) and World Political Parties Summit kagabi, Martes, Hulyo 6, 2021.
Ani Duterte, kapuwa pinahahalagahan ng Pilipinas at Tsina ang win-win cooperation, pagkakaibigan at mutuwal na paggalang.
Umaasa aniya siyang patuloy pang yayabong ang malalim at matagal nang ugnayang Pilipino-Sino.
Pinasalamatan din ni Duterte ang pagdamay at pagsuporta ng Tsina sa pakikibaka ng Pilipinas laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) para bumalik sa normal ang kabuhayan ng bansa.
May tiwala aniya siya sa kolektibong talino ng nasyong Tsino.
Naniniwala si Duterte na gagamitin ng Tsina ang bagong lakas para mapangalagaan ang kabutihan at katuwiran ng sangkatauhan.
Diin niya, sa isang pandaigdig na baranggay o global village, di-maihihiwalay ang tadhana ng lahat, at dahil dito, ang kapayapaan at kasaganaan ay dapat ibahagi at tamasahin ng lahat.
Kinilala rin ng pangulong Pilipino ang pagsasakatuparan ng pangarap na progreso at kasaganaan ng mga mamamayan ng Tsina, sa pamamagitan ng pagpapa-ahon sa 800 milyong mamamayan mula sa ganap na karalitaan o extreme poverty.
Nananalig si Duterte na patuloy na gaganap ng mahalagang papel ang Tsina sa mga isyung pandaigdig.
Sa kasalukuyan, kinakaharap aniya ng buong mundo ang iba’t-ibang hamon na gaya ng COVID-19 at pagbabago ng klima, pero sa kabila ng mga ito, maraming pagkakataon din ang umusbong para sa ibayo pang pagtutulungan at katatagan.
Samantala, bilang tagapangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ipinahayag ni Duterte ang pagpapasalamat sa pagkakaibigan ng kanyang partido at CPC.
Aniya, ang pagpapatuloy ng konstruktibong diyalogo at mapayapang pagpapalitan ng dalawang partido ay makabuluhan para sa patuloy na paglalim at paglawak ng relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Ipinagdiriwang ng CPC ngayong taon ang ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Sa kanya namang talumpati sa naturang summit, inulit ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na kailanman, ay hindi isasagawa ng Tsina ng hegemonya, ekspansyon, o pagpapalawak ng saklaw ng impluwensiya.
Sa halip, nakahanda aniya ang Tsina na magkaloob ng mas maraming solusyong Tsino para sa pagpapawi ng karalitaan ng daigdig.
Si Xi ay nanunungkulan din bilang Pangkalahatang Kalihim ng CPC Central Committee.
Sa ilalim ng temang “Para sa Kapakanan ng mga Tao: Responsibilidad ng mga Partido Pulitikal,” lumahok sa summit ang mga lider mula sa 500 partido pulitikal at organisasyon mula sa mahigit 160 bansa.
Salin: Jade
Pulido: Rhio