Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Punong Ministro Kyriakos Mitsotakis ng Greece nitong Miyerkules, Hulyo 7, 2021, hinimok ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalawang bansa na buuin ang modelo ng pagkakaibigan, pagtitiwalaan, at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan para sa komunidad ng daigdig, itayo ang halimbawa ng mutuwal na pag-aaral sa magkakaibang sibilisasyon, at pag-isahin ang bagong komong palagay at puwersa para sa pagpapasulong ng kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Saad ni Xi, sa kasalukuyang kalagayan, ang pagmamana at pagpapaunlad ng relasyong Sino-Greek ay hindi lamang makakatulong sa pagbangon ng kabuhayan pagkatapos ng pandemiya, kundi magbibigay rin ng katalinuhan ng mga sinaunang sibilisasyon para sa pagkukumpleto ng global governance system.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin ang pakikipagpalitan ng karanasan sa Greece sa aspekto ng pangangasiwa sa bansa, palalimin ang tradisyonal na pagkakaibigan at pragmatikong kooperasyon, at pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa sa bagong antas.
Umaasa aniya siyang patuloy na mapapatingkad ng Greece ang positibong papel para sa pagpapalalim ng kooperasyon ng Tsina at Europa.
Bumati naman si Mitsotakis sa sentenaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Dagdag niya, kinakatigan ng Greece ang pagpapaunlad ng Unyong Europeo (EU), ang komprehensibo’t estratehikong partnership sa Tsina, at pagpapalakas ng diyalogo at kooperasyon.
Salin: Vera
Pulido: Mac