Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Martes ng gabi, Hulyo 13, 2021 kay Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na nitong 10 taong nakalipas sapul nang maitatag ang estratehikong partnership ng Tsina at Ukraine, nananatiling malusog at matatag ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, bagay na nakakapaghatid ng aktuwal na benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Ani Xi, sapul noong isang taon, magkasamang nakikibaka ang dalawang bansa laban sa pandemiya ng COVID-19, at nagtutulungan sila sa mga aspektong gaya ng bakuna. Nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Ukraine sa mga larangang gaya ng bakuna at tradisyunal na medisinang Tsino para tulungan ang Ukraine sa pagtatagumpay sa pandemiya.
Ipinahayag naman ni Zelensky ang pagbati sa katatapos na selebrasyon ng sentenaryo ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Aniya, sa harap ng pandemiya, napapanahong ipinagkaloob ng panig Tsino ang mahalagang tulong sa Ukraine na nakakapagpatingkad ng malaking papel sa paglaban nito sa pandemiya.
Diin pa niya, buong tatag na iginigiit ng kanyang bansa ang patakarang “Isang Tsina.”
Salin: Lito
Pulido: Mac