Pahayag ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina kaugnay ng pagpapabalik ng embahador Tsinong nakatalaga sa Lithuania

2021-08-12 15:16:54  CMG
Share with:

Pagkaraang i-anunsiyo ng panig Tsino ang pagpapabalik ng embahador Tsinong nakatalaga sa Lithuania, inihayag ng Ministring Panlabas ng Lithuania ang kalungkutan sa hakbang na ito.
 

Sinabi nitong batay sa simulaing “Isang Tsina,” determinado ang Lithuania sa pagpapaunlad ng relasyong may mutuwal na kapakinabangan sa Taiwan, tulad ng ibang bansa ng Unyong Europeo (EU) at maraming bansa sa daigdig.
 

Anito, sa tingin ng EU, ang pagtatayo ng “representative office” ng Taiwan ay hindi salungat sa simulaing “Isang Tsina.”
 

Hinggil dito, sinabi Miyerkules, Agosto 11, 2021 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na hindi katanggap-tanggap ang pagpipilipit sa kahulugan ng simulaing “Isang Tsina.”
 

Aniya, hindinghindi pahihintulutan ng mga mamamayang Tsino ang lantarang opisyal na pakikipag-ugnayan sa awtoridad ng Taiwan, maging ng pagsuporta sa puwersang naggigiit sa umano’y “pagsasarili ng Taiwan,” habang sinasabing iginigiit ang simulaing “Isang Tsina.”
 

Muling hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Lithuanian na huwag gawin ang miskalkulasyon sa matatag na determinasyon at matibay na mithiin ng Tsina sa pagtatanggol ng soberanya at kabuuan ng teritoryo.
 

Dapat totohanang ipatupad ng Lithuania ang pangako nito sa paggigiit sa simulaing “Isang Tsina,” at likhain ang kondisyon para sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, dagdag ni Hua.
 

Salin: Vera
 

Pulido: Rhio

Please select the login method